PINAGTRIPAN pala ni Rosanna Roces ang dating sexy actor na si Leandro Baldemor sa photo shoot ng pelikula nilang “Patikim Ng Pinya” na ipinalabas noong 1996.
Inalala ng seasoned actor ang tagpong ito nang mapag-usapan ang pagsisimula ng kanyang showbiz career halos tatlong dekada na ngayon ang nakararaan.
Nakachikahan namin si Leandro nang bumisita kami sa bahay niya sa Paete, Laguna at sa kanyang gallery nitong nagdaang Biyernes, May 3.
Baka Bet Mo: Leandro Baldemor kinarir ang paglililok sa Voltes V figure, mahigit 2 buwan tinapos; ilang obra may taglay na ‘magic’
Tandang-tanda pa ng aktor ang mga eksena nila ni Osang sa kanilang photo shoot, “Kung makikita n’yo yung unang pictorial namin, parang gulat ako!
“Nakaganu’n ako (dilat na dilat), naka-briefs ako. Paano naman itong si Osang, e, di nakaibabaw sa akin si Osang. Kinaskas naman nang kinaskas!” natatawang kuwento ni Leandro.
Aniya pa, “Hindi ko sinabing inintensyon niya. Kasi hindi ko alam kung ano ba yung tama. Kasi hindi ko alam kung talagang lumapat or whatever. Basta’t ang naramdaman ko, iba! Siyempre first time. Aba, p*t@ng ina! Ha-hahaha!”
“Yung 18 years old ako noon, siyempre mapusok pa ako. Saka hindi ko alam…e, ano pa naman, hindi ko makakalimutan yung panty ni Osang du’n, yung lace. Kaya mababaliw ka talaga kay Osang!” sey pa niya.
Kaya ang sundot na tanong kay Leandro, nabaliw na siya noon kay Osang? “Lahat naman! Lahat naman, oo, lahat. Sobra, sobra!”
Pero may nangyari ba sa kanila noong ginagawa nila ang kanilang movie? “Wala, wala. Wala, hindi ko natikman ang pinya! Ha-hahahaha!”
“Actually, para niya akong kapatid na bata,” ani Leandro.
Baka Bet Mo: Osang ibinandera ang regalong bigay nina Coco at Julia: Akala ko nagbibiro lang
Nabanggit din niya ang dating leading lady na si Abby Viduya, na nakasama naman niya sa launching movie nitong “Sariwa” (1996) bilang si Priscilla Almeda. Naging malapit na kaibigan din daw niya ang aktres.
“Parehas din lang naman. Kaso si Osang, nandu’n yung pagka-ate, e. Na ganito, ganito. Guide, guide, guide. Guide ka, kasi batang-bata pa ako noon.
“So, kaya nga nu’ng natapos ang kontrata niya sa Seiko, kinuha niya kaagad ako,” chika pa ng aktor na ang tinutukoy ay ang pelikulang “Katawan” ng Viva Films na ipinalabas noong 1999.
Noong natapos daw ang kontrata nila ni Osang sa Seiko ay nakagawa na sila ng mga pelikula sa iba’t ibang production company.
“Du’n sa Christopher de Leon movie niya, Katawan. Kinuha niya agad ako, Viva. Hindi niya ako nalilimutan talaga,” pag-alala pa ni Leandro.
“Kaya sabi ko everytime na nai-interview ako, malaki ang utang na loob ko kay Osang, kay Abby. Lalo kay Abby, malaki ang utang na loob ko. Kasi yung Sariwa, si Abby ang pumili na ako ang magiging leading man niya. On the spot.
“Kaya sinabi ni Boss Robbie (Tan ng Seiko Films), ‘O, Priscilla, ha? Si Jeff (Jeffrey Baldemor ang tunay na pangalan ni Leandro) ba, ayos ba sa yo?’
“‘Opo, gusto ko po siyang maging leading man sa aking launching movie, Sariwa,’” ang tugon daw ni Abby.
Noong 2022, nagkaroon ng reunion project sina Lendro at Abby, ang GMA primetime series na “Lolong” na pinagbidahan ni Ruru Madrid.
Samantala, ipinagmalaki naman ni Leandro na ang isa sa mga obra niya bilang manlililok o sculptor ay inspired ng pagsasama nila ni Osang sa pelikula.
Yes, na-immortalize nga ng aktor ang loveteam nila ni Osang sa pamamagitan ng isang artwork na inukit niya sa kahoy at naka-display ngayon sa kanyang bahay sa Laguna.
Hanggang ngayon ay active pa rin siya Leandro sa showbiz pero ang talagang kinakarir niya ngayon ay ang pag-ukit.
In fairness, ang dami-dami na niyang nagawang obra ng kanyang talentadong kamay at malikhaing isip — mula sa iba’t ibang imahen ni Hesukristo, Mama Mary at mga santo, action figures at marami pang iba.
Kaya naman si Leandro rin ang napili ng Society of Philippine Entertainment Editors (SPEEd) na gumawa ng bagong trophy ng The EDDYS.
Gaganapin sa July 7, 2024 ang ika-7 edisyon ng The EDDYS kaya abangan ang unveiling ng bagong trophy na ipamimigay sa mga deserving na manalo.