NAGLUNSAD ng bagong hotline ang Land Transportation Office (LTO) na tinawag nilang “Aksyon on the Spot.”
Ayon sa LTO, ito ay para sa mga nais magreklamo tungkol sa mga paglabag trapiko, pati na rin sa online scams.
Just in time lang ang magandang programang ito ng ahensya dahil talamak din ngayon ang “phishing scams” na kung saan may mga nagpapadala ng pekeng traffic violations upang makapanloko.
Kadalasan sa mga ganitong modus ay nakikita sa emails o text messages na nagkukunwaring galing sa isang kumpanya at government agencies na naglalaman ng isang link upang makuhaan ng impormasyon ang kanilang biktima.
Baka Bet Mo: PRC nanawagan sa publiko: Itigil ang ‘prank calls’ sa 143 emergency hotline!
Bukod diyan, ang hotline ay tutugon din pagdating sa mga mapang-abuso at pasaway na mga motorista.
Sa mga nais dumulog ng reklamo, pwedeng magpadala ng mensahe sa 0929-2920865.
“Sa pamamagitan ng ating hotline, mabilis na matutugunan ng inyong LTO ang mga reklamo ng ating mga kababayan laban sa mga online scammers at mga pasaway na motorista,” sey ni LTO Chief at Assistant Secretary Vigor Mendoza sa isang pahayag.
Dagdag pa niya, “Kaya mula sa mga simpleng mga paglabag sa batas trapiko hanggang sa road rage at maging ang paggamit ng wang-wang na mahigpit na ipinagbabawal ngayon ng ating Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr. under the Bagong Pilipinas, makakaasa ang ating mga kababayan ng mabilis na tugon mula sa inyong LTO, mula sa inyong pamahalaan.”
Ayon pa sa hepe ng ahensya, mamimigay ang mga tauhan ng LTO ng “Aksyon on the Spot” stickers sa mga motorista, lalo na sa mga magre-renew ng license registration ng motor vehicles.
Layunin, aniya, na sulitin ang feature ng hotline– ang QR code, na magbibigay ng access para pormal na magsampa ng kanilang mga reklamo.
“Tinitiyak namin sa ating mga kababayan na anumang impormasyon na ibibigay sa atin sa pamamagitan ng ating hotline ay ituturing na confidential at protektado ng ating Data Privacy law,” sambit ni Mendoza.
Ani pa niya, “We encourage the public to inform us of any abusive behaviors on the road at kami na po ang bahala sa aksyon.”