TULUYAN nang binasag ng aktres na si Claudine Barretto ang kanyang katahimikan tungkol sa pagkamatay ng kanyang dating karelasyon na si Rico Yan.
Makalipas ang mahigit dalawang dekada buhat nang mangyari ang pagkamatay ni Rico ay naging bukas ang aktres sa kanyang pinagdaanan kung saan sinisisi niya ang sarili sa mga nangyari.
Sa kanilang pag-uusap ng talent manager at showbiz insider na si Ogie Diaz, inamin ni Claudine na magka-live in sila noon at November 2001 nang hindi na maging maayos ang kanilang relasyon.
Ito ay ilang buwan lang bago ang pagkamatay ni Rico noong March 2002.
Baka Bet Mo: Angelu de Leon wish na magkaayos sila ni Claudine Barretto
Nilinaw rin niya na hindi totoo ang balitang sinaktan siya noon ni Rico.
“Hindi totoo na sinaktan ako ni Rico o naging violent siya. ‘Yun ang gusto kong iklaro. Never. Hindi naman siya perfect, hindi ako perfect.Nagsigawan kami pero hindi umabot sa nananakit. Hindi siya ganon,” paniniyak ni Claudine.
Aniya, noong panahong namatay si Rico ay marami ang kumukondena sa kanya at sinisisi siya sa pagkamatay ng dating matinee idol.
“Noong time na parang kinu-crucify at galit na galit ‘yung tao at sinasabi na pinagpalit ko si Rico, alam ng Diyos, mawala na lahat ng taong mahal ko pero never kong niloko si Rico,” umiiyak na sabi ni Claudine.
Pagpapatuloy niya, “Kung ako ‘yung namatay, ganoon rin ba ang gagawin n’yo kay Rico? ‘Yun rin ba ang pagdaraanan niya? Kasi ayokong mapagdaanan n’ya yung napagdaanan ko.”
At ang hindi raw alam ng mga tao, noon mga panahong panay ang sisi sa kanya ng madla ay sinisisi niya rin ang sarili sa mga nangyari.
“During that time na sinasabi nila na kasalanan ko, ang hindi alam ng tao, ako rin, sinisisi ko rin ‘yung sarili ko,” lumuluhang sabi ni Claudine.
Hiling pa niya, “Sana mas maging compassionate or understanding ‘yung tao, kasi kung pina-punish niyo ako, pina-punish ko rin ‘yung sarili ko. Kung galit kayo sa akin, mas galit ako sa sarili ko.”
Ani Claudine, ito na raw ang huling pagkakataon na magsasalita siya tungkol sa kanila ni Rico Yan.