Francine Diaz sumingit nga ba sa performance ng Orange and Lemons?

Francine Diaz sumingit nga ba sa performance ng Orange and Lemons?
USAP-USAPAN ngayon sa social media ang diumano’y insidente sa pagitan ng Kapamilya actress na si Francine Diaz at bandang Orange and Lemons.

Parehas kasi na naging guest performers ang mga ito sa isang event sa San Jose, Occidental Mindoro nitong Martes, April 30.

Sa video na in-upload ng ilang netizens sa X (dating Twitter) bigla na lang tinawag ng host si Francine habang abala ang Orange and Lemons sa pagse-set up para sa kanilang performance.

Ayon rito, babati lamang ang dalaga sa mga dumalo sa naturang event.

Habang nagsasalita si Francine ay tila nagkakagulo ang mga members ng Orange ang Lemons sa likuran at tila may tensyon sa pagitan ng banda at ng isa sa mga organizers ng event.

Ang dapat na pagbati lang ng dalaga ay nagtuloy na sa pagkanta ngunit bago pa siya magsimula ay malakas na tumugtog ang gitara.

Baka Bet Mo: Francine Diaz rumampa sa 1st Asia Star Entertainer Awards sa Japan

At dahil nga sa pagtugtog ng gitara ay hindi naririnig ni Francine ang music kaya sumenyas ito at nag-adlib sa mga tao na sumabay sa kanyang pagkanta.

Samantala, may video rin sa X kung saan mapapanood na habang kumakanta ang Kapamilya star ay nag-aayos na ng gamit ang Orange and Lemons at tila “nag-walkout” raw ayon sa ilang netizens.

Nagsalita naman ang lead guitarist ng Orange and Lemons na si Clem Castro at humingi ng tawad sa nangyari.

Ngunit hindi rin niya napigilan na maglabas ng sama ng loob ukol sa nangyari.

“Gusto ko lang maghingi ng paumanhin, pero kailangan kong sabihin ito, para sa mga artist na…. kasi dapat kaninang 11:00[p.m.] pa kami dito, e.

“Pero sana naman, walang sumisingit, yun lang. Respeto lang ba. Yun lang. Gusto ko lang sabihin yun,” saad ni Clem.

Marami naman sa mga netizens na nagsasabing mukhang may kasalanan ang organizers dahil hindi nito naiayos ang line up at oras para hindi magkagulo ang mga artists at performers.

May bangayan na rin sa pagitan ng supporters ni Francine at ng banda kung sino ang dapat mag-sorry sa kampo ng dalawa.

May nagsasabi kasi na baka dahil mas sikat si Francine ay mas pinaburan ito at dahil late na ang event kaya pinauna na ito.

Ngunit wala pa namang kumpirmasyon mula sa mga taong involved kung ano nga ba ang tunay na nangyari.

Bukas ang BANDERA para sa pahayag at paglilinaw ng mga kampong dawit sa isyung ito.

Read more...