SUCCESSFUL ang naganap na rampahan sa fashion show with a cause na “Retashow: QC’s Catwalk to Sustainability” sa SM Novaliches last weekend.
Bumandera sa bonggang event ang naggagandahan at super creative na mga damit ng mga talentadong fashion designers gamit ang used o recycled textile at iba pang patapon nang mga materyal.
Ang “Retashow” ay bahagi ng Earth Day celebration na nagsimula pa noong April 22, na ang pangunahing layunin ay ang paglaban sa masamang epekto ng textile waste at plastic pollution sa bansa.
Baka Bet Mo: Toni Fowler sinabihang ‘plastic’ si Rendon Labador, Zeinab Harake ‘ma-attitude’ raw
Special guest speaker sa event si Quezon City Mayor Joy Belmonte na advocate ng sustainable fashion na naniniwalang malaki ang maiaambag ng adbokasiyang ito sa lumalalang climate change sa buong mundo.
“Let me first congratulate the 20 finalists of the Retashow: QC’s Catwalk to Sustainability. Para sa akin, lahat ng makikita natin ngayong hapon ay winning entries dahil ginamit ninyo ang inyong talento sa pagiging malikhain para makagawa ng mga disenyo mula sa used textile, dahil diyan ay walang tela ang naaksaya.
“Nakakatuwa at nakaka-proud ding malaman, nu’ng napanood ko ang interviews ninyo na lahat kayo ay advocates ng sustainable fashion, hilig niyo talagang gumamit ng mga retaso at used textile sa inyong mga disenyo. Kaya sa akin panalo na kayo at panalo din ang ating kalikasan,” mensahe ng alkalde.
Baka Bet Mo: ‘Rampa Manila 2’ aarangkada sa Manila bilang pagpupugay sa Pinoy fashion
In na in ngayon ang fast fashion kaya naman nakakaalarma ang pagkonsumo ng mga damit na gawa sa synthetic fiber na isang uri ng plastic na ayon sa datos ay bumubuo ng malaking bahagi ng textile waste sa mundo.
Nais ng “Retashow” na maging conscious ang lahat ng Pilipino sa pagbili ng mga damit at gamit at ugaliing ang upcycling at repurposing.
“Today (last Friday) is the culmination of our Earth Day Celebration that started last Monday, April 22. Ang temang: Planet vs. Plastics, ay napapanahon lalo na at ang masamang epekto ng plastic pollution ay hindi lang basta datos o statistics kundi aktwal na nararanasan ng bawat isa sa atin.
“Mula sa posibleng pagkahalo ng microplastics sa ating mga kinakain hanggang sa hangin na ating nilalanghap, maging ang pagbaha na dulot ng mga nakabarang plastic sa ating mga kanal at drainages, patunay na ang QC at ang mga QCitizens ay hindi ligtas mula sa mga mapaminsalang epekto ng plastic pollution.
“Kaya agresibo nating ipinatutupad ang mga programa para sa circular economy tulad ng Trash to Cashback – na isang incentivized recycling program, at Refill Hub initiative, na nagbibigay ng alternatibo para sa mga common household items na tipikal na naka-sachet.
“Katuwang nito ang maigting na pagbabawal sa plastic bags, straws, kubyertos, at disposable containers sa mga establisyemento at hotels dito sa ating lungsod.
“Pati ang mga used tarpaulin, binibigyang buhay natin sa upcycling program kung saan ang mga Persons Deprived of Liberty sa ating female dormitory ang nananahi sa gabay ni Ms. Zarah Juan, na nandito rin ngayon,” sabi pa ni Mayor Joy.
Going back sa “Retashow” fashion event, mula sa 20 finalists na nagpabonggahan sa rampahan, nanalong ng grand prize si Renegade Limpin ng Barangay Paltok. Second si Maricris Pabelico ng Barangay Sauyo at third prize winner si John Jade Montecalvo mula sa Payatas.
Grabe rin ang pagtanggap ng mga nanood sa event sa performance ng singer-songwriter na si Rob Deniel na literal na pinadagundong ang SM Novaliches Activity Center.