NALUNGKOT si Rosanna Roces nang mabalitaang namatay ang isa sa alaga niyang manok sa kanilang farm sa Antipolo City dahil sa heat stroke.
Kasalukuyang nasa Baguio City ang aktres para sa 2nd cycle ng shooting nila sa seryeng “Pamilya Sagrado” kaya hindi na niya nakita ang alagang manok at ipinadala na lang sa kanya ang larawang nakabulagta ito.
Ipinost din ni Osang ang larawan nito sa kanyang Facebook account kaninang madaling araw.
Ang caption na inilagay niya ay, “Casualty ng sobrang init, (sad face emoji). Rhode Island Red (breed).”
Baka Bet Mo: Osang gusto pang magka-baby; pangtanggal stress ang mga anak nina Anne, Solenn at Coleen
Tsinat namin siya at tinanong kung wala bang nakatapat na electric fan sa mga alagang manok o binabasa man lang ang mga alaga niya para mabawasan ng init.
“Ginagawa pa lang poso sa farm. Generator gamit du’n di talaga maiiwasan,” sagot nito.
Dagdag pa ni Osang, “Mahal pa naman pares nyan 7k.”
Okay naman daw ang kapares ng namatay na manok at inoobserbahan ito ng caretaker sa farm nila.
Tinanong namin kung puwedeng kainin ‘yung manok tulad sa mga natalo sa sabong na ginagawang tinola, hindi na raw puwede dahil nga namatay sa sakit.
Ang sabi na lang ni Osang kaya nawala ang alagang manok, “Iniisip ko na lang pag ganyan may sinasalo ‘yan.”
Sabagay, ganito naman talaga ang kasabihan na kapag may nawalang alaga ay may sinalong buhay ng miyembro ng pamilya.
Samantala, sa panayam ni Osang kay Konsehala Aiko Melenzez sa vlog nito na in-upload sa YouTube channel kamakailan ay inamin nitong marami siyang alagang hayop at may biik din siyang katabi sa pagtulog na pinangalanan niyang Lebron.
Natatawang tinanong nga ni Aiko ang tungkol sa alagang Lebron ni Osang, sabay pakita ng video na karga-karga pa ng aktres ang alagang biik.
“Si Lebron? Matagal ko nang pangarap ‘yun, matagal na matagal na at kung naalala mo dati nu’ng magkapitbahay tayo siguro ang aso ko mga 20, Labrador (Retriever) lahat.
Baka Bet Mo: Sharon buking kay Osang: ‘Kapag ayaw niya sa ‘yo, ayaw niya sa ‘yo! Pero pag nagustuhan ka niya sobra naman talaga!’
“Naloko ako sa ganu’ng breed ng aso kasi mabait sa bata at saka ang naiwan lang sa akin si Demi, ‘yun talaga ‘yung minahal ko na aso. Tapos itong bahay namin ngayon bawal ang dogs,” kuwento ni Rosanna.
At dito na nabanggit ni Aiko na, “Alam mo Ni (tawagan nilang dalawa) ang hilig mo sa mga hayop kasi may Lebron ka na may mga manok ka pa. Ano ‘yung mga pino-post mo sa farm mo, ano ‘yun?”
“Ah, marami-marami! May mga Buff Orpingtons, Harold Island Red, meron din akong pangkatay ‘yung 45 days na manok,” kuwento ng aktres.
Sabi naman ni Aiko, “Wala kasi akong masyadong alam sa manok, ‘yung mga na-mention mo pangsabong?”
“Ay hindi, ‘yung Asil (breed) ‘yung Asik ginagamit ng mga sabungero. Bini-breed ‘yun sa panabong para makuha ‘yung laki niya at saka ‘yung utak niya ng manok,” esplika ng BFF ng konsehala.
Tuwing Linggo raw ay nasa farm niya ang aktres, “Para bisitahin sila (mga alaga), magdala ng patuka. Sarap kasi paggising mo habang nagkakape kang ganyan makikita mo ‘yung mga alaga mo dumadami sila, di ba?”
Inamin din ni Osang na gagawin niya itong negosyo pagdating ng araw.
“Oo pero hindi pa ngayon. Nagpaparami pa ako Brahma (breed) ang dami ko, natutuwa naman ako may mga nagkakagusto, so, nagpaparami pa. Yung ibang manok ayaw maglimlim, so kailangan kong bumili ng incubator,” kuwento pa ni Osang.
Sabi ni Aiko, “Kakaiba na ang buhay mo ngayon ‘no?”
Ang birong sagot ni Osang, “Oo, pero iba pa rin ‘yung manok na ninakaw mo sa kapitbahay, ‘yun ang masarap na manok (nagkatawanan sila ni Aiko).”
“May ninakaw ka ba sa kapitbahay?” balik-tanong ng co-star ni Osang sa “Pamilya Sagrado.”
“Oo, meron!” mabilis na sagot ng aktres na ikihalakhak nang husto ni Aiko.
Sabi pa ni Ms O, “Kapag naalala ko natatawa na lang ako! Alam mo ‘yung magbabarkada kayo, di ba? Nasa ilalim lang kayo ng puno tapos nagkatinginan kayong ganyan medyo kumorokok ang tiyan n’yo, ibig sabihin gutom kayo, di ba? Tapos may napadaan na manok na ganyan, magtitinginan kayo (barkada). Ha-hahaha!”
Tumatawang sabi naman ni Aiko, “Hindi ko pa na-experience ‘yan, puwede mo ba akong isama?”
“Naku ang sarap ng ganu’ng manok, ‘yung ninakaw sa kapitbahay. Tapos, e, di naluto na namin, adobo siyempre pinakamabilis (klase ng luto) tapos nakain n’yo na, di ba? Hayan na ang may-ari! Krook, krook (tinatawag ang alagang manok)!” hagalpak na kuwento ni Osang at halos malusaw naman sa kakatawa si Aiko.
Dagdag pa ni Osang, “’Yung halos matunaw ka sa kinauupuan mo (kasi) alam mong ikaw ‘yung may kagagawan.”
Tanong ng host, “Nahuli ka na ba ng kapitbahay mo?”
“Hindi pa naman,” kaswal na sabi ni Osang.
Sabay sabi pa, “Kaya nga pinatibayan ko ang bahay ng mga manok ko kasi baka makarma ako! Ha-hahaha!”
Samantala, nasambit ni Aiko kay Osang na base sa nakikita niya sa kaibigan ay masayang-masaya na ito sa lahat ng aspeto ng buhay lalo’t may trabaho at maraming pinagkakaabalahan.
“Kung mayroon kang prayer kay God, ano ang gusto mong sabihin sa kanya?” tanong ni Aiko.
“Ay lagi kong dinadasal sa kanya gabi-gabi, pahabain ang buhay ko at sana huwag akong bigyan ng kahit na anong sakit na alam mo na, ‘yung mga ayaw nating sakit ‘yung matitindi na kailangan maratay ako.
“Bigyan ako ng lakas pa para magpatuloy kasi totoong nage-enjoy ako ngayon sa trabaho ko kasi kapag walang trabaho nalulungkot ako kasi hinahanap ng katawan ko at na-appreciate ko na ngayon,” pahayag ni Osang o Jennifer Cruz Adriano sa tunay na buhay.
Hindi lang binanggit ng aktres na kaya rin niya pinapanalangin na habaan ang buhay niya ay dahil marami siyang natutulungan na ayaw niyang ipasulat.