SUMMER na!!! Feel na feel n’yo na ba ang matinding init ng panahon? Yun bang kahit wala ka namang ginagawa ay tagaktak ang pawis mo sa katawan?
Naku, mga ka-BANDERA, wala tayong choice kundi i-embrace ang grabeng hotness hindi lang ng inyong mga dyowa kundi pati na rin ang grabeng init ng wheather.
Kasabay ng pagharap natin sa challenge ng super hot na summer season sa Pilipinas, at ang pagdapo at pagkalat ng kung anu-anong sakit na pwede namang maiwasan at matakasan tulad ng ginawa ng iba diyan sa kanilang mga dyowa!
Naglista kami ng ilang usung-usong sakit na karaniwang naghahasik ng lagim tuwing summer season.
SORE EYES
Guys, hindi kayo basta-basta mahahawa ng sore eyes o conjunctivitis sa simpleng tinginan at titigan lamang. Ito ay sanhi ng virus o bacteria na nagpapapula, nagpapaluha at labis na nagpapamuta sa mata.
Pero warning lang ha, madali itong makahawa kung syunga-syunga lang ang peg. Kapag may kasama kayong may sore eyes, palaging maghugas ng kamay o magpahid ng alcohol.
Kung may bacteria o virus ng sore eyes na nasa bagay na hinawakan at ikinuskos ang kamay sa mata, mataas ang chance na mahawa.
Never, as in never manhiram o gumamit ng mga personal na bagay tulad ng sunglasses, makeup, panyo o towel ng taong may sore eyes. Siguruhing malinis ang mga doorknob, handrail, computer keyboard at iba pang bagay sa bahay at opisina.
Mas mabilis na gumagaling ang sore eyes kapag nilalagyan ito ng malamig na bagay gaya ng ice pack o pinalamig na cucumber. Kung feeling mo ay nahawa ka na ng virus, gora na agad-agad sa doktor.
UBO’T SIPON
Mabilis kumalat ang sipon at ubo tuwing summer season lalo na kapag biglang bumuhos ang ulan. Uminom lagi ng tubig (8-12 baso sa isang araw) at ugaliin ding matulog nang maaga.
Baka Bet Mo: Alden Richards gustong makatakas sa matinding ‘hotness’ ng summer: ‘Hindi po kasi talaga ako fan ng init’
Hangga’t maaari ay manatili muna sa bahay para hindi na lumala ang sakit at para hindi makahawa ng iba. Palagi ring maghugas ng mga kamay at takpan ang bibig at ilong kung uubo o babahing.
BUNGANG-ARAW
Ang bungang-araw o prickly heat ay ang mapupula at maliliit na butlig sa balat na maaaring makati o mahapdi. Karaniwang nagmumula ito sa sobrang pagpapawis dahil sa matinding init.
Hangga’t maaari iwasang mainitan at pagpawisan upang hindi na lumala ang konidisyon. Makatutulong ang madalas na pag-inom ng malamig at pagsusuot ng maluluwang at yari sa cotton na damit.
Sa mga nakararanas ng mahapdi o makating bungang-araw, magpahid ng pinaghalong baking powder at tubig (magkasingdami) sa apektadong bahagi ng katawan.
Try n’yo ring kuskusin ng malamig na pakwan ang mga bungang-araw kung ito’y namamaga na.
PAGSUSUKA, PAGTATAE
Dahil sa sobrang init, madali ring mapanis ang ating pagkain na kapag nalafang nang bonggang-bongga ay maaaring maging sanhi ng pagkasira ng ating tummy.
Maging maingat sa pagbili ng mga street foods at iba pang pagkain na madaling masira, lalo na sa mga ibinabaon natin sa outing.
Ang pangunahing gamot sa pagsusuka at nagtatae ay pag-inom ng oral rehydration salt solution at maraming tubig.
BULUTONG TUBIG
Madaling makahawa ang taong may bulutong o chicken pox na talaga namang kinatatatukan kapag panahon ng tag-init. Ayon sa Department of Health (https://www.doh.gov.ph/node/2219) sanhi ito ng varicella virus.
Payo ng mga eksperto, i-isolate ang mga taong may bulutong. Maaaring mahawa kapag natalsikan ng laway o nadikit sa balat ng may bulutong.
Pinakanakakahawa umano ito limang araw bago o limang araw pagkatapos lu-mabas ng mga butlig sa balat. Gumagaling ito sa loob ng isa hanggang dalawang linggo kahit hindi gamutin.
Mainam na magpabakuna laban sa bulutong nang may gabay ng doktor.
SUNBURN
Ang sunburn o ang pagkasunog ng balat ay resulta ng matagal na pagkakabilad sa araw. Nagagamot naman kadalasan ang sunburn kahit nasa bahay lang, pero kapag malala na at nagkakaroon na ng komplikasyon, pumunta na sa doktor o sa espesyalista sa balat.
Narito ang ilang tips kapag nagka-sunburn:
*Tapalan ng tuwalyang binasa ang apektadong bahagi sa malamig na tubig o kaya ay paagusan ng malamig na tubig ang balat na nasunog para mabawasan ang hapding nararanasan.
*Pahiran ang nasunog na balat ng gel o ointment para sa sunburn. Ang mga kadalasang pinapahid ay may sangkap na menthol, camphor, at katas ng aloe vera.
*Makatutulong din ang tuloy-tuloy na pag-inom ng tubig.
*Kung ang balat ay namamaga dahil sa tindi ng sunburn, makatutulong ang pag-inom ng gamot kagaya ng aspirin o ibuprofen.
*Hanggat hindi tuluyang gumagaling ang nasunog na balat, huwag magbibilad sa araw.
*Iwasang lumabas ng bahay sa oras na pinaka-matindi ang sikat ng araw. Ito ay mula 10 ng umaga hanggang hanggang 4 ng hapon.
*Magsuot ng mga damit gaya ng may mahahabang manggas at pantalon. Makabubuti rin ang paggamit ng payong, sombrero at shades sa mata.
Ugaliin din ang paglalagay ng mga sunscreen lotion na may mataas na SPF (Sun Protection Factor).
Isa pa sa kinatatakutang sakit tuwing tag-init ay ang heat stroke. Tatalakayin naman natin yan sa susunod na chikaha at balitaan mga ka-BANDERA kaya abangers lang!