TINATANGGAP na lang ni Herlene Budol ang panlalait at pang-ookray ng mga bashers sa social media dahil ito ang nagpapalakas sa kanya.
Hanggang ngayon kasi ay hindi pa rin siya tinitigilan ng mga hate comments mula sa kanyang mga detractors, may mga netizens pa rin na walang ginawa kundi ang i-down siya kahit wala siyang ginagawang masama.
In fairness, nagpasalamat pa nga siya sa lahat ng mga nangnenega sa kanya, “Kung hindi dahil sa inyo…tumatag ako lalo at naging strong ako at ginamit ko lahat ng panlalait niyo sa akin para ma-improve ko yung sarili ko.”
Baka Bet Mo: Madam Inutz wagi sa challenge ni Wilbert Tolentino; namakyaw ng unan at comforter
Sabi pa ng Kapuso star sa isang interview, “Natutunan ko lang din ito lately lang din na mas mahalin mo muna yung sarili mo.
“Siyempre magre-reflect kung sino ka eh, kung mas mahal mo yung sarili mo, mas ma-appreciate mo yung sarili mo bago ka mag-love ng ibang tao at kung paano ka mag-care sa sarili mo, du’n mo malalabas yung confidence mo na parang kaya mong humarap sa kahit kanino.
“Hindi naman sa naging proud ako ng sobra pero ang laki lang din ng improvement as naging babae ako. Late bloomer kasi ako. Hindi talaga ako naging dalagang tunay sa edad ko.
“Talagang yung mga kaedad ko, mga kumare ko ng tunay, ninang na ako. Talagang nagagawa na nila yung gusto nila pero sa sarili ko sabi ko, ‘Okay lang na late bloomer ako.’ Mukha ko lang nag-ma-mature pero yung utak ko nananatili sa mga teens, ganyan,” chika pa ni Herlene.
Sa naturang panayam, naibahagi rin ng dalaga na totoong super low ang self-confidence niya habang nagdadalaga. Sa katunayan, palagi raw siyang nagkukulong noon sa mga CR o comfort room.
Sa CR daw siya nakikipag-usap kay Lord, “Nagpe-pray ako tapos talagang kakausapin ko si Lord. Kakausapin ko din yung sarili ko hanggang sa mako-convince ko naman yung sarili ko.
“Minsan tinatawag ko yung sarili ko ng baliw. Ang CR is comfort room di ba? Naging comfort zone ko talaga siya. Du’n nag-i-start yung araw ko.
“Du’n ako nagpe-pray. Kasi kahit hubo’t hubad ka du’n walang magdya-judge sa ’yo. Kahit tumatae ka, lahat ng kaya mo gawin kasi ikaw lang nakakakita, walang CCTV.
“Kumbaga, walang judgment kapag nasa CR ka. Kaya sabi ko pag ako nagkaroon pa ng isa pang bahay na talagang lagi kong tinitirhan, perfect ang CR ko. Sa Magpakailanman na-share ko na rin talagang ang CR ang comfort room ko na literal,” aniya pa.
Tungkol naman sa pagiging humble at hindi paglaki ng kanyang ulo sa kabila ng tinatamasang kasikatan, “Feeling ko kasi ang tip lang para sa mga nagsasabi na lumalaki yung ulo ko, hindi po dapat inilalagay sa ulo, dapat sa puso, sa gawa.
“At siyempre hindi para umasa sa ibang tao kundi sabi nga ng nanay ko, manatili lang yung paa mo sa lupa para marunong ka pa rin tumanaw sa mga tao na tumulong sa iyo,” aniya pa.