NAG-INIT ang dugo ng comedienne-actress na si Kim Molina matapos makatanggap ng pamba-bash at pambabastos sa isang netizen, lalo na sa kanyang dyowa na si Jerald Napoles.
Sa isang Facebook post, ibinandera mismo ni Kim ang screenshot ng pagtalak niya sa bastos na basher.
“Na ** na po ba kayo ng jowa mong mukhang kargador?” tanong ng netizen.
Hindi nakapagpigil ang aktres at ramdam na ramdam ang galit niya sa mahaba niyang reply.
“Una sa lahat, BASTOS KA,” sagot ni Kim sa basher.
Baka Bet Mo: Marc Pingris naging kargador at tindero sa palengke; unang sweldo sa PBA ipinambili ng bahay para sa nanay
Patuloy niya, “Alam kong fake account ‘yan na malamang ginagamit mo lang para mambash at makapag-comment dahil hindi mo kayang gawin gamit ang totoong pangalan mo. Takot ka rin kasi kaya nagtatago ka dyan. What a sad life you have.”
Inamin din ng komedyana na totoong naging kargador noon ang dyowang aktor bago maging isang artista.
“YES. Isa yun sa mga trabahong pinasok niya nung hindi pa siya nag-aartista, bago pa mag-teatro,” pagbubunyag ni Kim.
Kwento pa niya, “Nag-extra sa pagiging kargador ng mga tela sa divisoria. Isang marangal na trabaho pandagdag kita sa araw-araw.”
“Proud ako sa lahat ng pinagdaanan ni Je kaya hindi ko gets bakit may halong mali ang pag-associate ng term na ‘yan sa iba. Nothing’s even wrong with it so…” ani pa niya.
Sa caption naman ng FB post, sinabi ng aktres na maliban sa pamba-bash, nais niyang linawin na hindi dapat ikinakahiya ang mga trabaho na tulad ng pagiging kargador.
“Ano ba problema niyo sa pagiging ‘kargador’ eh sa totoo lang, people who do hands-on labor work are people we should acknowledge sa hirap ng ginagawa nila araw-araw. Hindi ito dapat ikahiya,” wika niya.
Ani pa niya, “Kung wala sila, sige, ikaw magbuhat ng sarili mong box na sandamakmak, ikaw maghalo ng sarili mong semento, ikaw magtapon ng sarili mong truck ng basura, ikaw magpukpok ng sarili mong kabinet at ikaw bumuo ng sarili mong bahay o building gamit ang sarili mong kamay.”