Gary ayaw nang mag-concert nang solo sa loob ng 3 oras at walang pahinga

Gary ayaw nang mag-concert nang solo sa loob ng 3 oras at walang pahinga

Gary Valenciano

TOTOONG magpapaalam na ang OPM legend na si Gary Valenciano! Pero yan ay sa pagpe-perform lamang sa mga big venue at hindi sa kanyang singing career.

Pero bago nga siya tuluyang tumigil sa pagkakaroon ng mga concert sa mga naglalakihang concert arena sa bansa, meron pa siyang huling hirit na sorpresa para sa lahat ng kanyang fans and supporters.

Iyan ay mangyayari sa kanyang upcoming project na pinamagatang “Pure Energy: One Last Time” na magaganap sa SM Mall Of Asia Arena (MOA) sa April 26 at 27.

Marami ang na-excite sa announcement na ito ni Gary na apat na dekada nang namamayagpag sa entertainment industry.

Baka Bet Mo: Nagbabalik na aktor tumakas sa lock-in taping, todo deny kahit huli sa CCTV

Sa nakalipas na apat na 40 taon, katumbas ng pangalan ni Gary ang mga chart-topping hits, high-energy performances, at ang kanyang walang katulad na galing sa connection sa mga manonood ‘di lamang sa Pilipinas ngunit sa buong mundo na rin.


Nabiyayaan si Gary na magtanghal sa pinakamalalaking venue sa mundo, mula sa Luneta Grandstand kung saan humigit 500,000 ang nanood hanggang sa Tamar Site sa Hong Kong kung saan nag-perform siya sa Hong Kong Harbor Music Festival noong 2003.

Noong 2023, minarkahan ni Gary ang kanyang 100th solo show sa Music Museum sa kanyang matagumpay na sold-out at 10-night concert series na “Gary V: Back At The Museum.”

Mula sa initial run nito na apat na shows noong Agosto 2023, dalawang beses itong na-extend, at pinapakita nito ang enduring appeal at impact ng kanyang musika at performances.

Nakakuha rin siya kamakailan ng multiple standing ovations sa kanyang jam-packed North American tour.

Baka Bet Mo: Coco Martin todo ang pasasalamat kay Gary V: Kung alam n’yo lang, sobrang mahal na mahal ko kayo!

Marami ang nag-isip na magreretiro na si Gary sa titulo ng kanyang upcoming MOA Arena na “Pure Energy: One Last Time.”

Ngunit nilinaw niya na hihinto siya sa pagbibida sa mga solo show sa higanteng venues gaya ng mga arena at mga dome, pero hindi naman mawawala ang kanyang pagmamahal sa musika at pagtatanghal.

Sa katunayan, magpe-perform pa rin naman daw siya sa mga malalaking venue kapag may kasama siyang ibang mga artist.

Kumbaga hindi na siya magko-concert na mag-isa lang ng tatlong oras at literal na walang pahinga o CR break man lang. Kaya malinaw na hindi naman magre-retire, mag-i-slow down lang siya.

Anyway, kapapanalo lang niya ng GEM Awards bilang Best TV Host para sa kanyang kontribusyon bilang isa sa mga major music pillars ng ABS-CBN.


Nananatili siyang aktibo sa “ASAP Natin ‘To” tuwing Linggo ng tanghali. Bilang isang mentor, naging judge at coach ang 12-time Awit Awards Best Male Recording Artist recipient sa “The X-Factor Philippines,” “Your Face Sounds Familiar,” “It’s Showtime”’s “Tawag Ng Tanghalan”, at “Idol Philippines”, kung saan isa siya sa judges ngayong 2024.

Kaya naman marami ang nagtatanong kung bakit siya mag-step back? Simple lamang ang sagot, “hi-goodbye” ang “Pure Energy: One Last Time.”

Ito ay transition aniya, sa kabila ng resistance mula sa kanyang team, siya ay nagdesisyon.

Mamarkahan diumano ng concert series na ito ang huling beses na magtatanghal siya ng concert na ganito kalaki dahil gusto niyang ibalik ang biyaya sa mga mas maliit na venues at sa mga fundraiser.

Sabi nga ni Gary sa kanyang Instagram post, “I’m celebrating 40 years of doing what I’ve always loved most. And with gratitude in my heart for the One source of Pure Energy, I look forward to the new chapters, seasons, beginnings, and horizons that lie ahead. It’s time…Let’s Go Big…ONE LAST TIME!!!”

Marami na ring pinagdaanang laban ang OPM icon sa kanyang kalusugan gaya ng kanyang 45 taon na laban sa Type 1 diabetes, isang heart bypass surgery, kidney cancer, dengue fever, COVID-19, at ang katatapos lamang na angioplasty kung saan nilagyan siya ng dalawang stents sa kanyang heart artery nuong Pebrero 3, naisip niya na baka kailangan niya ng mga less stressful activities.

Ngunit sinabi ng kanyang cardiologist na si Dr. Enrique Posas, pwedeng-pwede pa ring humataw si Gary habang sinabi niya na “You have a brand new heart.”

Isang linggo matapos ang kanyang operasyon sa puso, sumasayaw at nagtatatalon si Gary kasama ang 2,500 fans sa Southridge, Alabang.

Samantala, maraming aabangan ang fans na manonood ng “Pure Energy: One Last Time” with stage direction by Paolo Valenciano and musical direction by Mon Faustino.

Mapupunta ang proceeds ng concert sa Valenciano family advocacy, ang Shining Light Foundation.

Read more...