SA pagbaba ng rating ni Pangulong Aquino dahil sa epekto ng kontrobersiyang dulot ng pork barrel at ng Disbursement Acceleration Program (DAP), hindi na siya nakapaghintay na malaman kung may epekto ang pagpasok ni Presidential Communications Operations Office (PCOO) head Secretary Herminio “Sonny” Coloma bilang kanyang tagapagsalita para makabawi sa nabawasang popularidad.
Bagamat nananatiling mataas ang rating ni PNoy, naalarma na ang administrasyon dahil sa bukod sa pagbaba sa survey ng Social Weather Stations (SWS), bumaba na rin ang nakuhang resulta sa survey sa Pulse Asia na may kaugnayan naman sa mga iba’t-ibang sangay ng pamahalaan at ang kampanya nito kontra katiwalian.
Umaga pa lamang, inanunsiyo na ng Malacanñang noong Miyerkules ang nakatakdang pagsasalita ni PNoy sa telebisyon na itinapat bago matapos ang mga balita sa gabi at bago magsimula ang mga telenovela na batid ng Palasyo ay tinututukan ng napakaraming Pilipino.
Ang pagsasalita ni PNoy ay ideya mismo ni Interior Secretary Mar Roxas na noon pa’y kilalang trouble shooter na ng administrasyon at bilang adviser ni Pangulong Aquino. Mismong si PNoy na ang humarap sa kamera para idipensa ang kanyang administrasyon. Nagpapatunay lamang ito na si PNoy ang nagdadala sa kanyang mga tagapagsalita at kapag hindi na nila kayang idipensa ang kanilang Boss, siya na mismo ang gumawa ng paraan para mas epektibong nakakarating sa tao ang kanyang mensahe.
Halatang nag-iwasan noong Miyerkules sina Pangulong Aquino at dating pangulo at ngayon ay Manila Mayor Erap Estrada.
May pagpupulong ang mga mayor ng Metro Manila kasama si PNoy sa Malacanang para talakayin ang iba’t-ibang problemang kinakaharap ng Kalakhang Maynila. Pumunta si Erap noong umaga para sa preliminary meeting ng mga mayor habang si PNoy ay nasa Manila Memorial Park pa kung saan niya dinalaw ang puntod ng kanyang mga yumaong mga magulang.
Hindi na sumipot si Erap noong hapong meeting na pinangunahan mismo ni PNoy. Chika ni Erap meron siyang iskedyul na dapat daluhan. Hindi naman kataka-takang iwasan ni Erap si PNoy, alam naman nating kinasuhan ng administrasyon ang kanyang anak na si Sen. Jinggoy Estrada ng plunder matapos maiugnay sa pork barrel scam.
Bilang pinuno ng Maynila kung saan nasasakop nito ang Malacanang, hindi naman maiiwasan talagang magtatagpo sina Erap at PNoy sa mga opisyal na pagtitipon. Abangan natin kung hanggang kelan sila mag-iiwasan.
Inalmahan ng ilang empleyado ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) ang ginagawang implementasyon ng Rationalization Plan (Ratplan) ng ahensiya matapos ang ilan sa kanila ay itinalaga sa mga probinsiya. Ayon sa mga ilang apektado ng balasahan sa PCSO, hindi patas at namemersonal ang pamunuan ng PCSO.
Sinagot naman ito ng PCSO sa pagsasabing ang mga alegasyon na pinupukol ng mga umalmang empleyado ay malisyo at walang basehan. Ayon sa PCSO, naaayon sa batas ang kanilang ipinatutupad, batay na rin sa Executive Order 366 o Ratplan na ipinalabas noong 2004. Iginiit pa ng PCSO na nitong Abril lamang inaprubahan ng Governance Commission for GOCCs (GCG) ang pagpapatupad ng Ratplan para sa PCSO. Ang mga naapektuhang mga empleyado ay yaon lamang kulang sa kwalipikasyon sa ilalim ng batas matapos mabigong makakuha ng civil service eligibility.
Sinabi ng PCSO na sa kabila ng ginawang civil service exam review para sa mahigit 300 empleyado, apat lamang ang pumasa sa pagsusulit.
Para sa komento, reaksyon o tanong, i-text TROPA, pangalan, edad, lugar at mensahe sa 09178052374.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.