Walang bagyo, pero asahan pa rin ang ulan sa ilang bahagi ng bansa –PAGASA

Walang bagyo, pero asahan pa rin ang ulan sa ilang bahagi ng bansa –PAGASA

PHOTO: Facebook/Dost_pagasa

TATLONG weather systems ang nagdudulot ng pag-ulan sa malaking bahagi ng ating bansa.

Ito ang Amihan, Easterlies at Shear line, Ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).

“Unang-una diyan ang Northeast Monsoon o Amihan na siyang nakakaapekto po dito sa bahagi ng Northern Luzon. Ang ikalawa ay ‘yung Easterlies o mainit na hangin galing sa Pacific Ocean na siyang nagdadala po ng maalinsangan na panahon sa malaking bahagi po ng Southern Luzon, Visayas and Mindanao, habang nagtatagpo ang dalawang weather systems na ito, ‘yung Amihan and Easterlies dito sa Shear line at ito ay nagdadala ng pag-ulan sa malaking bahagi po ng Central and Southern Luzon,” paliwanag ni Weather Specialist Benison Estareja sa isang press conference.

Nabanggit din niya na walang sama ng panahon o bagyo ang aasahan hanggang sa weekend.

“Base naman sa ating latest satellite animation, wala po tayong namamataang anumang weather disturbance na papasok ng ating Area of Responsibility hanggang sa weekend,” sey ni Estareja.

Baka Bet Mo: Resort sa Chocolate Hills inireklamo ng netizens, DENR kinalampag

Base sa weather bulletin na ibinandera ng weather bureau ngayong araw, March 14, mararanasan ang kalat-kalat na pag-ulan sa Aurora, Quezon at Camarines Norte nang dahil sa Shear line.

May mahinang pag-ulan naman sa Cagayan Valley at Cordillera Administrative Region (CAR) na dulat ng Northeast Monsoon o Amihan.

May panaka-nakang ulan naman ang Ilocos Region at nalalabing bahagi ng Central Luzon.

Asahan din ang mahinang ulan sa Metro Manila at natitirang bahagi ng bansa na sanhi ng Easterlies at localized thunderstorms.

Kung matatandaan, nauna nang binanggit ng PAGASA na isang bagyo ang inaasahang mabuo o pumasok sa ating bansa para sa buwang ito.

Pero posible din daw na walang sama ng panahon ang maranasan.

“For this month, zero or one po na bagyo ang posible,” sambit ni Estareja nang magsimula ang buwan ng Marso.

Read more...