Rabiya Mateo may inamin sa relasyon nila ni Jeric Gonzales, ano yarn!?

Rabiya Mateo may inamin sa relasyon nila ni Jeric Gonzales, ano yarn!?

Rabiya Mateo at Jeric Gonzales

NAHIRAPAN ang aktres at dating beauty queen na si Rabiya Mateo noong nagsisimula pa lang ang love story ni Jeric Gonzales.

Inamin ng TV host-actress na apektado siya noon sa mga nababasa at naririnig tungkol kay Jeric, kabilang na ang pagkuwestiyon sa pagkalalaki ng aktor.

Nagkuwento si Rabiya about this sa guesting niya kamakailan sa “Fast Talk with Boy Abunda” kung saan inalala niya ang mga challenges na hinarap nila ni Jeric sa mga unang buwan ng kanilang relasyon.

Baka Bet Mo: Jeric nag-propose muna kay Rabiya bago nanligaw; love story nagsimula sa ‘Wish Ko Lang’

Totoong naaapektuhan daw siya noon sa mga sinasabi ng mga tao laban kay Jeric dahil hindi niya alam kung ano talaga ang kanyang paniniwalaan.


“First time kong mag-date ng celebrity and minsan kapag celebrity din ‘yung dine-date mo ang daming opinyon, ang daming sinasabi about him and at first, I was shaken about it.

“Parang hindi ko alam kung paniniwalaan ko ba ‘yung sinasabi ni Jeric o ‘yung sinasabi ng mga tao about him kasi ibang-iba, e,” paliwanag ni Rabiya.

Ngunit sa kabila ng lahat ng kanegahang ibinabato sa aktor, mas pinili pa rin niyang maniwala at pagkatiwalaan ang kanyang dyowa. Ibig sabihin, mas nanaig talaga ang pagmamahal niya kay Jeric.

Baka Bet Mo: Jeric Gonzales nagbura ng mga pictures sa Instagram, hiwalay na kay Rabiya?

“Kasi nakita ko kung gaano siya kaseryoso sa akin at ipinaramdam niya ‘yun sa akin.

“I’m sure marami rin sinasabi ang mga tao about me kay Jeric,” aniya.


Bukod dito, mas ipinakikita at ipinararamdam na rin niya kay Jeric na naa-appreciate niya bang bonggang-bongga ang mga effort na ginagawa nito para tumagal at mas maging solid ang kanilang relasyon.

“Ako, aside from communication, siguro Tito Boy, kailangan mo rin… ako bilang babae I need to be appreciative ng efforts, kasi minsan ‘yung mga lalaki marami na silang ginagawang effort, hindi lang natin napapakita na na-a-appreciate natin sila,” paliwanag ni Rabiya.

Matatandaang kumalat ang balitang naghiwalay na ang Kapuso couple matapos magkaroon ng isyu sa pagitan ni Jeric at ng isang beking malapit sa kanya.

Ayon naman kay Rabiya, one week lang tumagal ang breakup nila dahil nakapag-usap sila nang masinsinan at naayos agad ang kanilang hindi pagkakaunawaan.

At sa ngayon, mukhang okay na okay naman ang relasyon ng celebrity couple na magkasama pang nagbakasyon sa Hong Kong at Macau last November, 2023 kung saan nag-celebrate rin ng kanyang birthday si Rabiya.

Read more...