CinePanalo Filmfest, MOWELFUND sanib-pwersa para sa pelikulang Pilipino

CinePanalo Filmfest, MOWELFUND sanib-pwersa para sa pelikulang Pilipino

IBINANDERA ng CinePanalo Film Festival ang pakikipagtulungan nito sa Movie Workers Welfare Foundation, Inc. o MOWELFUND.

Layunin ng kolaborasyong ito na ibida ang industriya ng pelikula sa Pilipinas, partikular na ang mga bagong filmmaker, at ang mga kwentong itinatampok ang buhay at kultura sa Pilipinas.

Itinatag noong 1974, ang MOWELFUND ay isang non-stock at non-profit na organisasyon na nakapokus sa sosyal na kapakanan, edukasyon, at pag-unlad ng industriya ng pelikula, at misyon nitong suportahan ang mga nagsusumikap na propesyonal sa mundo ng pelikulang Pilipino.

Mensahe ni Boots Anson Roa-Rodrigo, ang Chairman ng MOWELFUND, “Salamat, Puregold, para sa CinePanalo. Dahil sa inisyatibong ito, makapagbibigay ito ng tulong sa mga direktor at sa mga gumagawa ng pelikula, sa pagtampok ng mga pelikulang nagpapakita ng mga temang pampamilya na sumisimbolo sa pang-araw-araw na buhay ng mga Pilipino.”

“Win-win” ang tambalang ito, ayon sa premyadong personalidad sa pelikula at telebisyon, “Panalo ang Puregold sa pagkintal ng mga halagahang Pilipino sa pamamagitan ng makapangyarihang midyum ng pelikula.

Baka Bet Mo: Alden member na ng Board of Trustees ng MOWELFUND; may eksenang idinirek sa pelikula nila ni Julia, ano kaya yun?

“Panalo ang MOWELFUND sa pag-aayos ng mga logistik para sa mga baguhang direktor. Panalo ang mga estudyante ng pelikula at mga nagmamahal sa larangang ito, dahil binibigyang-buhay ng CinePanalo ang kanilang mga pangarap na proyekto,” sabi pa ng veteran star.

Kamakailan ay inanunsyo ng CinePanalo Film Festival ang pinal na listahan ng makatatanggap ng prestihiyosong film grant nito–anim na direktor para sa full-length film, at 25 na estudyanteng direktor para sa short film–na masinsinang pinili sa 200 na lahok mula sa iba-ibang sulok ng Pilipinas.

Ipalalabas sa engrandeng debut ang mga pelikula sa Gateway Cineplex 18, Araneta City, mula March 15 hanggang 17.

Bakas sa mga napiling pelikula para sa festival ang temang “Mga Kwentong Panalo ng Buhay,” sa mga naratibo ng pagsusumikap, pakikisama, at ang matibay na diwa ng pagiging Pilipino.

Nagpasalamat din ang MOWELFUND sa suporta ng Puregold sa kanilang ika-50 anibersaryo, kung saan magdaraos ang organisasyon ng medical and dental misyon.

Ngayong papalapit na ang CinePanalo Film Festival, sabi ni Puregold senior marketing manager Ivy Hayagan-Piedad, “Mula sa kaibuturan ng aming puso, pinasasalamatan namin ang MOWELFUND at ang lahat ng katrabaho namin sa kanilang mahalagang gampanin hindi lamang sa pagtatanghal ng mga nakatutuwang kwentong Pilipino, kung hindi pati na rin sa pagpapatatag ng aming kontribusyon sa yumayabong na industriya ng pelikulang Pilipino.”

Read more...