INATAKE ng matinding nerbiyos at kaba ang Soap Opera Queen na si Judy Ann Santos sa pagbabalik niya sa paggawa ng teleserye.
Aminado ang Kapamilya actress at TV host na nanibago siya nang muling sumalang sa harap ng mga camera para sa international series na “The Bagman”, ang spin-off mula sa critically acclaimed digital series na “Bagman” na muling pagbibidahan ni Arjo Atayde kasama si John Arcilla.
“Ngayon na lang ulit ako gumawa ng series. Nandiyan excitement, nervous, cold feet. Hindi ko alam saan ako magsisimula. I will play it by ear.
Baka Bet Mo: Judy Ann Santos tigil muna sa cooking vlogs dahil sa pagtaas ng bilihin: Ayokong hindi maka-relate ‘yung viewers
“Para ulit ako nag-aaral, grade 1. Lahat bago sa akin, ibang-iba ang production ngayon,” ang pahayag ni Juday sa isang interview.
Ang isa pang matinding pressure kay Juday ay ang unang pagganap niya bilang Presidente ng Pilipinas, “Of course, may pressure para sabihin nila na ako lang nakita nilang gaganap bilang President of the Philippines.
“It is something na hindi ko nakita, ‘di ko gusto paniwalaan. Noong mabasa ko script, it was very interesting. The role was interesting. It was very challenging. And to be able to work with Arjo, John Arcilla and new production.
“It is something to look forward to. The pressure is really strong but it is good thing.
“Na-stress ako, kailangang harapin ang mga bagay na uncomfortable ka, to go out of your comfort zone and do something new,” ang sabi pa ng wifey ni Ryan Agoncillo.
Baka Bet Mo: Arjo tuloy na ang pagpo-produce ng pelikula; sumabak na rin sa lock-in taping para sa bagong serye
Ang “The Bagman” ay mula sa ABS-CBN International Productions, Nathan Studios, Rein Entertainment, at Dreamscape Entertainment.
Ang “The Bagman” ang major comeback ni Judy Ann, na pinarangalan bilang Best Actress sa 41st Cairo International Film Festival. Huli siyang napanood sa 2019 Kapamilya primetime series na “Starla.”
Samantala, ang “The Bagman” ang magiging pangalawang international series naman ni John Arcilla pagkatapos ng kanyang makasaysayang panalo bilang unang Pilipino na tinanghal bilang Best Actor sa 78th Venice Film Festival.
Ibinahagi ni Direk Ruel S. Bayani, head ng ABS-CBN International Productions, na tuwang-tuwa silang makatrabaho sina Judy Ann at John.
“As we continue to advocate for Filipino representation, we are thrilled to also be announcing the award-winning talent of Arjo, John, and Judy Ann who are now part of The Bagman,” ani Direk Ruel.
Binigyang-diin din ni Direk Ruel ang pangako ng ABS-CBN na itaguyod ang mga kuwentong Pilipino sa pandaigdigang entablado sa pamamagitan ng “The Bagman.”
“Filipino programming is continuing to grow and expand, and we are honored to be at the forefront in offering diverse new projects to meet the growing demands of the industry,” aniya pa.
Nakatakdang gumanap ulit si Arjo bilang si Benjo Malaya, isang barbero na naging alipores ng gobernador at nasangkot sa isang mapanganib na serye ng krimen, katiwalian, at kaguluhan sa pulitika.
Sa “The Bagman,” natuklasan ni Benjo ang kalunus-lunos na balita ng kanyang nawawalang pamilya, na nag-udyok sa kanya na muling pumasok sa trabahong tinalikuran niya na. Bilang isang bagman para sa pangulo ng Republika ng Pilipinas, magiging misyon ni Benjo ang pagtigil ng nakaambang giyera.
Ang “The Bagman” ay magiging pangalawang international series ng ABS-CBN pagkatapos ng “Cattleya Killer,” na pinagbidahan din ni Arjo at nanguna sa listahan ng pinakapinapanood ng Prime Video Philippines.