KNOWS n’yo ba na bago sumabak sa pag-aartista ang yumaong award-winning actress na si Jaclyn Jose ay pinangarap muna niyang makapag-Japan?
Ang paniwala kasi ng veteran star at Cannes Film Festival best actress, madali niyang maiaahon sa kahirapan ang kanyang pamilya kapag nagtrabaho siya sa Japan.
Ipinanganak si Jaclyn o Mary Jane Sta. Ana Guck sa tunay na buhay, sa Angeles, Pampanga noong 1963. Siya ang second sa anim na magkakapatid.
Baka Bet Mo: Jaclyn Jose pumanaw na sa edad 60; mundo ng showbiz nagluluksa
Kuwento ng premyadong aktres, singer noon sa isang bar ang kanyang nanay habang American-German soldier naman ang kanyang tatay. Pero aniya, never niya itong nakita o nakilala sa buong buhay niya.
Aminado si Jaclyn na sa murang edad ay kinailangan niyang maging madiskarte sa buhay para makatulong sa pangangailangan ng pamilya.
“I never saw my dad. Wala akong desire (na makita at makilala siya). Life goes on without you, parang ganyan.
“Nandoon lang talaga ako, I’m very, very observant-type of kid,” ang pagbabahagi ni Jaclyn sa panayam ng “Kapuso Mo, Jessica Soho” noong May 29, 2016.
Dahil nga sa sitwasyon nila noon, gusto niyang makapagtrabaho sa Japan, “Ang tanging paraan lang ng mga Pilipino para kumita ng mas malaki sa dapat inaasahan para ka makabuhay ng isang malaking pamilya ay makapag-abroad ka sa Japan.
“Singer oo, kasama pa ko ng nanay ko pumupunta pa kami sa Rondo. Hindi ako kumakanta pero nandoon ang thought of maiiaangat ko ang pamilya ko sa kahirapan kapag nagpunta ako sa Japan,” aniya pa.
Baka Bet Mo: Claudine wasak sa pagkamatay ni Jaclyn: Galit ako…ang sakit-sakit Nay!
Pero bago pa siya tuluyang makapasok sa showbiz, naging tindera din si Jaclyn ng bibingka pero napakaliit lang daw ng naiuuwi niyang pera noon hanggang sa pumayag na siyang mag-artista.
Nagsimulang umakting si Jaclyn sa edad na 21 at taong 1984 nang magkaroon siya ng big break sa pelikulang “Chicas” na sinundan ng “Escort Girls” noong 1985. Hanggang sa makatrabaho na niya si Lino Brocka sa pelikulang White Slavery (1985).
Nagsunud-sunod ang paggawa niya noon ng bold films kabilang na ang kontrobersyal at mapangahas na pelikulang “Private Show” (1986) kung saan gumanap siya bilang torera.
Ang kanyang kauna-unahang best actress award ay napanalunan niya noong 1987 para sa “Takaw Tukso.”
Hindi kailanman ikinahiya ng aktres ang paggawa niya ng sexy movies dahil, “Ang objective namin iisa, ang ipakilala sa kanila itong klaseng tao na ito nag-e-exist sa society natin and pakinggan natin siya, tingnan natin siya, bigyan natin ng solusyon ‘yung problema.”
Sa tanong na, “Kung papipiliin ka at that time, the producer will ask you, ‘ano bang category ang gusto mo?'” Sagot ni Jaclyn Jose, “I want longevity and kalidad. I don’t wanna be there and do nothing after awards. I want to create characters.”
Sumakabilang-buhay si Jaclyn nitong nagdaang Sabado, March 2, matapos magkaroon ng heart attack.