Jake Ejercito isa sa unang bumisita sa lamay ni Jaclyn Jose
KAHIT kumpirmado na ang pagpanaw, hindi pa idinedetalye kung saan gagawin ang viewing o burol ng batikang aktres na si Jaclyn Jose.
Pero kagabi, March 3, sumakto na may pinuntahan ang aking pamilya na lamay sa may Quezon City at kinutuban na ako na doon din ibuburol ang aktres dahil sa dami ng camera sa labas ng gate na mula sa iba’t ibang media outlets.
Madaling araw na nang mabalitaan namin na nakarating na nga raw ang labi ng namayapang aktres sa memorial chapel, pero hindi namin alam kung saan siya ilalagak.
Ilang minuto ang nakalipas nang pauwi na kami ay nakasalubong namin ang aktor na si Jake Ejercito na tila hinahanap kung saan nakaburol ang ina ng dati niyang partner na si Andi Eigenmann.
Baka Bet Mo: Dimples, Gardo, Ice, Gladys, iba pang artista may pa-tribute kay Jaclyn
Hindi ko na nilapitan upang tanungin si Jake dahil ramdam na ramdam sa awra niya ang matinding lungkot.
Makikita rin ang mga mata niya na tila kagagaling lang sa pag-iyak.
Pansin ko rin na wala pa talagang nagpunta upang bumisita sa burol ni Jaclyn dahil kakarating lang sa memorial chapel, pero si Jake ang isa sa mga artista na nagtungo agad doon.
Sumakabilang-buhay si Jaclyn sa edad na 60 at nakita ang kanyang katawan sa loob ng kanyang bahay sa Quezon City.
Una itong kinumpirma ng kanyang talent management na PPL Entertainment.
At ngayong March 4 ay opisyal na ipaalam sa publiko ni Andi na myocardial infarction o heart attack ang sanhi ng pagpanaw ng batikang aktres.
Ilan sa mga nagawang pelikula ni Jacklyn ay ang “Private Show” (1985), “White Slavery” (1985), “Itanong Mo Sa Buwan” (1988), “Machete II” (1994), “Sarong Banggi” (2005), at “Ma’ Rosa” (2016).
Sa telebisyon lumabas siya sa “The Legal Wife” (2014), “Maalaala Mo Kaya,” at “FPJ’s Ang Probinsyano.”
Ang kanyang pagganap sa “Ma’ Rosa,” na idinirek ni Brillante Mendoza, ay nagbigay sa kanya ng “Best Actress” award sa Cannes Film Festival.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.