BINALIKAN ni Sen. Robin Padilla ang panahong nagkokontrabida pa siya sa mga action movies, ilang dekada na ngayon ang nakararaan.
Naikuwento ng action star ang tungkol dito sa ginawang pagpupugay kay Miss Gloria Romero, ang “Tribute to the Queen” na ginanap sa Centennial Hall ng Manila Hotel last Wednesday, February 28.
Ito ang naisip ng dati ring aktes na si Daisy Romualdez, producer ng “Tribute to the Queen” upang bigyang pagkilala ang lahat ng naiambag ni Tita Glo sa mundo ng telebisyon at pelikula.
Isa nga sa mga naging espesyal na bisita ng isa sa tinaguriang Queen of Philippine Movies na 90 years old na ngayon ay si Sen. Robin.
Baka Bet Mo: Gloria Romero muling nakausap ang dating guro na 100 years old na ngayon: Nakakaiyak naman po…
Naibahagi ng mister ni Mariel Rodriguez ang sa mga dumalo sa event ang naging usapan nila noon ni Tita Glo na nagsilbing inspirasyon niya upang maabot ang kanyang mga pangarap sa buhay.
“Noong nag-uumpisa po ako, ako po ay goons, ako ho yung kontrabida lagi ng bida. Nu’ng nagkasama po kami ni Tita sa Kami’y Mga Ulila, hindi ko po makakalimutan yon.
“Tinawag ako ni Tita, sabi ni Tita, ‘Alam mo, iho, magaling ka.’ Na-shock po ako kasi Gloria Romero itong nagsasabi sa akin na magaling ako, e, ano lang ako, goons.
“Tapos sabi ni Tita, ‘Magtiyaga ka. Sigurado meron kang pupuntahan.’
Baka Bet Mo: Ivana Alawi hindi raw makalilimutan si Barbie Forteza, bakit kaya?
“Hindi ko ho makakalimutan, Tita, yung araw na yon kasi ‘yun po yung mga panahon na yung ibang mga artista, ang tingin sa akin…ganoon po naman talaga noon.
“Kapag iba ang hitsura mo, naka-boots ka, nakamaong ka, naka-jacket ka, iba ang dating.
“Pero para bigyan ako ng pansin ng Reyna ng Pelikulang Pilipino, yun po ang nagbigay sa akin Tita ng hudyat, ng inspirasyon para magtiyaga,” paglalahad ni Sen. Robin kasunod ang mga katagang “I love you.”
Nagbigay din ng video message si Coco Martin at ang dating aktres na si Carol Banawa, na nakasama ni Tita Glo sa classic family drama na “Tanging Yaman.”
Nag-perform sa event sina Vina Morales, Christian Bautista, Mark Bautista, Marissa Sanchez at Dulce.
Present din sa pa-tribute kay Tita Glo sina Cavite 2nd District Rep. Lani Mercado, ang mag-asawang Eddie Gutierrez at Annabelle Rama, Nadia Montenegro at Danita Paner.
Naroon din ang mga veteran stars ng LVN at Sampaguita Pictures tulad nina Divina Valencia, Marissa Delgado, Pepito Rodriguez, Liza Lorena, Nova Villa, Boots Anson Roa-Rodrigo, Tessie Villarama, Imelda Ilanan, Tina Loy at Pempe Rodrigo.