Mayor Ferdie Estrella umalma sa eksena sa Abot Kamay na Pangarap
NAGLABAS ng opisyal na pahayag si Baliuag, Bulacan City Mayor Ferdie Estrella ukol sa kontrobersyal na episode ng Kapuso teleserye na “Abot Kamay na Pangarap” na pinagbibidahan ni Jillian Ward.
Sa kanyang Facebook page ay ipinabatid niya sa publiko na hindi niya nagustuhan ang paggamit ng kanilang lugar bilang pagtawag sa taong nasisiraan na ng bait.
Saad ni Mayor Estrella, “Sa episode ng Abot Kamay na Pangarap ng GMA 7 na pinalabas noong Pebrero 14, 2024 ay nabanggit ang pangalan ng Lungsod ng Baliwag kung saan ito ay ginamit bilang bahagi ng dayalogo ng isa sa mga karakter.
“Sa naging dayalogo ay ginawang katatawanan ang Baliwag, Bulacan. Ito ay nakalulungkot dahil nagpapamalas ito ng kakapusan sa kaalaman at kawalan ng sensibilidad sa mga mahahalagang isyu.”
Aniya ang Baliuag ay isang lungsod na “lunduyan ng kasaysayan at hitik sa kultura at tradisyon”.
Pagpapatuloy pa ni Mayor Estrella, “Marami ang itinuturing na pinagmulan ng pangalan ng Baliwag ngunit hindi isa rito ang salitang baliw. Ang baliuag ay isang matandang salitang Tagalog na ang ibig sabihin ay malalim (deep, profound sa Ingles; hondo, profundo sa Kastila).
“Ito ay nailathala noong 1800 bilang isang salita sa Vocabulario Lengua Tagala at makikita sa pahina 33 ng diksyunaryo. Ito rin ay matatagpuan sa pahina 115 ng Diksyunario Tesauro ni Jose Villa Panganiban (Villacorte, 2001).”
Paalala pa ng alkalde, isipin raw sanang mabuti bago gamitin ang pangalan ng lugar at isaalang-alang ang kasaysayan para mailapat ang konteksto ng isang palabas.
Baka Bet Mo: ‘Abot Kamay na Pangarap’ kinondena ng netizens, insensitive raw?
“Isa pang punto sa usaping ito ay ang pang-iinsulto at gawing katatawanan ang kalagayan ng isang baliw.
“Ang Lungsod ng Baliwag ay isa sa mga nagtataguyod ng adbokasiya sa mental health kaya naman hindi rin kami sumasang-ayon sa pagpapalabas ng nakakasirang tema lalo pa at ikinakabit ang Baliwag bilang punchline o bagong katawagan para makapangpahiya ng sinuman,” ani Mayor Estrella.
Kays naman kinokondena ng alkalde ang iresponsableng pagsusulat ng script at ang pagpapalabas po nito sa publiko.
“Kaya naman kinokondena namin ang iresponsableng pagsusulat ng iskrip at pagpapalabas nito. Nawa ay hindi na ito maulit, magsilbing aral, at makalikha ng kamalayan para sa mga susunod pa na palabas at iba pang pagtatanghal.”
Sa ngayon ay wala pang pahayag o tugon ang produksyon ng “Abot Kamay na Pangarap” pati na rin ang GMA Network ukol sa isyung ito.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.