MUKHANG nag-mature na talaga ang kilalang aktres na kung dati-rati’y kinaiinisan siya ng mga nakaka-trabaho niya dahil may pagka-maldita.
Ngayon ay iba na, sobrang okay na siya at wala ng reklamo sa kanya ang lahat.
Na-witness din namin noong medyo bata-bata pa ang aktres na napasama sa isang TV series kasama ang ilang kabataang artista at doon niya nakasama ang leading man niya na noo’y nagsisimula pa rin sa career pero hindi nagtagal ang love team nila dahil sila mismong dalawa ay hindi magkasundo.
Hanggang pati mga ka-trabaho ng aktres sa productions ay inaangal na siya sa mga boss dahil bukod sa hindi kaagad tumatalima kapag tinatawag at may pa-spoiled effect pa.
At dahil maganda ang rehistro niya sa camera at marunong namang umarte kaya nabigyan ulit ng project at isa na nga ang pelikula na bago na ang leading man na it turned out na nag-click sila ng nasabing aktor.
Baka Bet Mo: Kilalang aktres, asawang negosyante ‘open relationship’ ang status, pwede silang tumikim ng ibang ‘putahe’
Naging maingay na ang pangalan ng aktres kasama na ang ka-loveteam kaya’t kaliwa’t kanan ang kanilang mall shows na talagang isinisigaw ang pangalan nila na masasabing umakyat na rin sa ulo ng dalaga ang kasikatan.
May mga matitinding reklamo na sa aktres bagay na ikinabahala na ng mga boss ng show kaya pinag-lie low muna siya at hindi naman siya hinanap ng tao dahil sa panahong wala siyang projects ay may mga bagong sumikat na kabataang artista na sila ngayon ang namumunini sa kasikatan.
Ang aktres na pinagpahinga muna ay marahil napag-isip-isip niya na hindi uubra ang ugali niyang may pagka-maldita at spoiled brat kaya ng bigyan ulit siya ng chance na magkaroon ng serye ay nanibago ang mga ka-trabaho dahil mabait na at palangiti na rin, pero nanatiling tahimik pa rin na kapag hindi kinakausap ay hindi nakikipag chikahan.
Hanggang sa nagkasunud-sunod na ang projects ng aktres at magaganda na ang feedback sa kanya ng ka-trabaho kaya naman nang malaman ito ng mga dating naka-work niya ay nanibago at iisa ang tanong, “talaga ba, hindi na maldita?”
Baka naman sadyang nagbago na dahil nga ilang taon na rin naman siya o baka magandang impluwesiya sa kanya ang karelasyon niyang aktor na puring-puri ng lahat ng naka-trabaho dahil sobrang bait at generous.
Sana matutunan din ng aktres ang pagiging generous.