SIGURADONG maraming na-inspire sa kuwento ng isang member ng LGBTQIA+ community na nag-viral noon sa presinto ng Pasay City.
Taong 2016 nang mag-trending sa social media si Deo Balbuena, o mas kilala ngayon bilang si Diwata, matapos masangkot sa gulo at sumugod sa presinto ng pulisya.
Sa napanood naming video, talaga namang rumampa si Diwata sa loob ng police station na parang beauty queen sa kabila ng tinamong mga sugat dahil sa naturang insidente.
Maririnig sa video ang kanyang dialogue na parang introduction sa isang beauty contest. Ani Diwata, “Nagmula sa kalangitan, lumagapak sa kalupaan, narito na sa inyong harapan ang nag-iisang Diwata na mukhang kawatan!”
Baka Bet Mo: Xian Gaza dinipensahan ang contestant na pinayuhan ni Maine: Stop bashing that nanay from Eat Bulaga
Ayon kay Diwata, inireklamo niya sa mga pulis ang dalawang kaibigang nanakit sa kanya gamit ang cutter. Binanggit niya sa otoridad na gumagamit umano ang mga kaibigan ng ilegal na droga.
Sey ni Diwata sa isang TV interview, “Mas nababagay kayo sa kulungan kasi mga kriminal kayo. Tingnan mo yung ginawa mo sa akin, ang ganda-ganda ng mukha ko sinira mo.”
Sa isang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho”, ibinandera nga ang buhay ngayon ni Diwata na makalipas ang walong taon.
Kuwento niya, nagkapatawaran na sila ng kanyang mga kaibigan at nakalaya na rin ang mga ito mula sa kulungan.
Sa ngayon ay nakapagpundar na siya ng 24-hour pares business, ang Diwata Pares Overload Unli Rice kaya naman abot-langit ang pasasalamat niya sa Diyos sa mga biyayang natatanggap niya.
Pagbabahagi ni Diwata sa “KMJS”, mula sa Samar ay nagdesisyon siyang nakipagsapalaran sa Maynila sa kagustuhang magkaroon ng magandang buhay.
Baka Bet Mo: Harry Roque inakusahang sumingit sa pila para makaboto agad, pero umalma: Fake news po yan…
Rumaket siya noon bilang construction worker at nagtinda ng mga candy, kape at sigarilyo, “Hanggang sa may naipon ako. Bumili ako ng kaldero, bumili ako ng kalan, tapos nag-start na kaming mag-pares.”
Bukod sa negosyo, may sariling bahay na rin siya ngayon at hindi na nakatira sa ilalim ng tulay. Bukod dito, nakabili na rin siya ng sasakyan.
“Simple lang itong bahay ko pero ang laki ng pasasalamat ko dahil, at least, dito, kahit simple lang siya, at least, sigurado naman akong safe kaming lahat.
“Dati ang sasakyan ko bike lang, ngayon nakabili na ako ng sasakyan na talagang pinaghirapan ko talaga. Nakakatuwa!” aniya pa.