KASALUKUYANG nasa hospital ngayon ang aktres na si Deborah Sun dahil sa aksidenteng tinamo nito sa set ng “FPJ’s Batang Quiapo” nitong Lunes, Enero 22 sa ganap na 8PM at ito na rin ang last taping day niya dahil pinatay na siya sa kuwento.
Hindi naman nagpabaya ang mga staff ng teleseryeng idinidirek at pinagbibidahan ni Coco Martin na siya ring producer na kaagad isinugod sa pagamutan ang aktres na gumanap bilang si Yolly na love interest ni Ronnie Lazaro bilang si Lucio na kaibigan ni Senator Lito Lapid as Primo.
Anyway, hindi binanggit sa amin kung saan hospital naka-confine si Deborah at wala ring sinabi kung anong klaseng aksidente ang nangyari pero kaagad na siyang nagpasalamat sa mga taong walang tigil sa kakatawag kung kumusta siya at kung okay siya.
Kuwento ng aktres sa kasamahan namin sa panulat na si Ate Mercy Lejarde, “Mercy aksidente ang nanyari walang may gusto sa nanyari sa akin. Mabuti at natapos ko iyon magagandang eksena (Batang Quiapo) bago ako na aksidente.”
Base sa napanood naming episode nitong Martes kung saan ipinakitang pinatay na ang karakter ni Yolly ay hirap na hirap siyang maglakad habang nagkakaputukan at nagtatakbuhan ang grupo nila at ng mga kalaban na tila wala na sa script ang ikinikilos ni Deborah.
Samantala, nagpapasalamat si Deborah sa mga taong nagpapadala ng tulong sa lanya.
Aniya, “paabot mo ang pasasalamat ko kay Sen.Lito Lapid sa tulong na pinadala niya sa akin. Kay Ara Mina, Lorna Tolentino, and Tito Phillip Salvador na sobrang silang nag-aalala sa akin. Maya’t maya text ng text at tawag ng tawag kinakamusta ang kalagayan ko.
“And s’yempre sobrang din nagpapasalamat ako kay Direk Coco Martin at ABS na hindi nila ako pinababayaan. Sagot nila lahat ang gastos dito sa hospital. Tawag nga din ng tawag iyon field cashier ni Direk Coco at kinakamusta at kung ano daw kailangan text or tawag agad sa kanila. Salamat talaga sa kanila.”