Bukod sa pagiging bida sa naturang pelikula, si Janno rin ang nagdirek nito kung saan nakasama at naidirek nga niya ang yumaong amang si Ronaldo Valdez.
Sa naganap na mediacon para sa “Itutumba Ka Ng Tatay Ko” nitong nagdaang Martes, January 16, very proud niyang sinabi na isang dream come true ang maidirek at makasama uli sa aktingan ang ama.
Magsisilbing tribute na rin daw ito para sa namayapang veteran actor na naging kontrobersyal pa nga ang pagkamatay dahil sa pagkalat ng isang maselang video sa social media.
Sey pa ni Janno, ito rin daw ang tamang pagkakataon na maipalabas na sa mga sinehan ang kanilang pelikula kontra sa mga nagkokomento na parang wala sa timing ang napiling playdate ng Viva Films.
“May nagsabi kasi, ‘Is it too soon to release the movie after what happened?’ Ako I believe this is the perfect time to release the movie kasi, sorry ayoko nang umiyak kaso yung huling image of my dad was, it wasn’t nice. Hopefully this erases that,” paliwanag ng actor-director.
Nabanggit din ng komedyante na binabantayan ng kanilang pamilya ang mental health ng isa’t isa pero siniguro naman niya na okay naman sila ngayon.
“I’m good. It’s good that I got the not-so-good details nu’ng isang presscon ko, I’m sure you are all aware of that.
“I wanted to get that out of the way para makapag-promote, alangan namang pumunta ako dito promoting my film, very sad at maraming tinatagong galit, lungkot at hinanakit. I wanted to get it out of the way and I did,” sey ng TV host.
Samantala, tribute rin daw ang “Itutumba Ka Ng Tatay Ko” sa yumaong Action King na si Fernando Poe, Jr. na bumida sa 1999 action comedy movie na “Isusumbong Kita sa Tatay Ko” kasama si Judy Ann Santos.
“Yung title na ‘Isusumbong Kita’, pinalitan ko lang ng ‘Itutumba Ka’. But that’s as close as it gets.
“This movie is an homage to FPJ. Marami akong scenes dito honoring him. My character, sa bahay niya may mga posters pa ni FPJ. Half of the film is Dolphy and half of the film is FPJ,” aniya pa.
Nabanggit din ni Janno na malaking tulong sa movie ang associate director nilang si Julius Alfonso, “In all honesty, hindi pa ko maalam sa technical side, kahit hindi ko alam yung lenses and camera placing, I know what i want.
“Ise-set up nila, I will look, and if I don’t like it, I’ll change it. Hindi ako maalam technically,” kuwento pa ng veteran comedian.
Natanong naman si Janno kung naging protective rin ba sa kanya si Ronaldo bilang tatay tulad ng karakter niya sa movie.
“I remember one instance, yung confrontation scenes namin. I was rewriting the script bago kunan yung eksena, tapos pinadala ko na, sabi ko ibigay n’yo na sa daddy ko para pag-aralan na niya.
“Pagdating ko sa set, sabi ng daddy ko ‘sinong magaling na nagsulat nitong dialogue na ito, ang ganda, eh! (ginaya ang pagsasalita ng ama).’ Siyempre, kilig ako nu’n!”
“This is the best parting gift my dad can give me,” emosyonal na pahayag ni Janno Gibbs.
Showing na ang “Itutumba Ka ng Tatay Ko” sa mga sinehan nationwide simula sa January 24. Kasama rin dito sina Anjo Yllana, Xia Vigor, Louise delos Reyes, Juliana Parizcova Segovia at marami pang iba.