TOTOO nga kayang ikakasal na ang actor-model na si Andrew Schimmer sa kanyang girlfriend na si Dimps sa susunod na buwan?
Sa latest Facebook post ni Andrew, makikita ang isang video clip na tila behind-the-scenes interview ng batikang journalist na si Julius Babao kasama ang anak niya na si Andrea, pati na rin ang anak ng kanyang dyowa na si Belle.
Maririnig din sa post ang bahagi ng panayam na kung saan ay binanggit ni Julius na gaganapin ang kasal nina Andrew at Dimps sa darating na Valentine’s Day o February 14.
“Sa February 14 na ang wedding, so what are you looking forward to?” tanong ng batikang broadcaster sa anak ni Dimps.
Sagot naman ng tsikiting, “I’m looking forward to see my mom always smile…and hugging all the time (Dimps and Andrew).”
Baka Bet Mo: Andrew Schimmer sa nanghula ng lovelife niya: Manghuhula o scriptwriter ka?
Kasunod niyan nagkaroon ng mensahe ang dalawang bata para sa kanilang future parents.
“I hope they will be happy all the time…because I have always seen my mom sad before, but now she’s really happy…and makes my siblings happy,” saad ni Belle.
Wika naman ni Andrea, “Sana forever na talaga this time. And sana palagi silang happy.”
“And dad sana naman maging kahit konting romantic ka. Hindi lang surprise flowers, surprise dates din dad,” bilin pa ng anak kay Andrew.
Natawa naman bigla si Julius at biglang inusisa ang model-actor, “Bakit, hindi mo ba dine-date si Dimps?”
Chika pa ni Andrea, “Palagi po niyang inaaya, walang surprise. Maganda ‘yung may surprise ‘yung aayain niya.”
Hirit naman ni Andrew sa anak, “This time, makikinig na ako sayo.”
Magugunita noong December 22 nang may pa-jowa reveal si Andrew sa madlang pipol.
Ayon sa aktor, ang natagpuan niyang karelasyon ang muling bumuo ng kanyang katauhan.
Sinabi rin niya na nanumbalik ang kanyang sigla at liwanag sa kanyang mundo dahil sa bago niyang pag-ibig.
Matatandaang noong December 2022 nang namaalam ang namayapa niyang partner na si Jho Rovero dahil sa iba’t ibang komplikasyon.