Naospital na OFW ayaw pakainin | Bandera

Naospital na OFW ayaw pakainin

Susan K - October 30, 2013 - 03:00 AM

NAKATANGGAP tayo ng maraming text sa Bantay OCW Helpline mula kay Tio Sabusap ng Maynila para sa kanyang maybahay na OFW na si Marissa na nasa Riyadh, Kingdom of Saudi Arabia.

Anim na buwan nang naroon si Marissa bilang isang household service worker. Ngunit sa unang buwan pa lamang niya sa trabaho, minamaltrato na diumano ito ng kanyang unang employer sa pamamagitan ng labis na pagtatrabaho. Dahil dito, naospital si Marissa at naratay sa banig ng karamdaman ng mahigit sa kalahating buwan.

Nang gumaling ang OFW, inilipat naman ito sa ibang employer. Masaklap din ang dinanas niya sa bagong employer dahil hindi naman siya pinapakin nito sa tamang oras.

Hiling ni Tio na sana’y masaklolohan ang kanyang maybahay at iuwi na lang muli sa Pilipinas.

Family driver ang trabaho ni Tio. Subalit hindi raw sapat ang kanyang kinikita kung kaya’t hindi na rin matustusan ang pag-aaral ng kanilang limang anak. Bukod sa problemang pinansiyal, lubha na rin siyang nag-aalala para sa kaligtasan ng kabiyak sa ibang-bansa.

Dagdag pa niya, dumaan na sa ilang employer si Marissa.

Kaagad na tinawagan ng Bantay OCW si Tio upang makuha ang kumpletong mga detalye hinggil sa kaso ng misis. Ayon naman sa Philippine Overseas Employment Administration (POEA), balido ang lisensya ng Hikari Management International Inc., ang lokal na ahensyang nagpaalis kay Marissa.

Gayunman, meron pa rin itong pananagutan hinggil sa nangyari sa ating kababayan.

Inanyayahan natin si Tio na magtungo sa ating tanggapan sa Radio Inquirer 990AM station upang personal na makapagsampa ng reklamo laban sa ahensyang ito at nang mabilis na mai-proseso ang hiling nitong pagpapauwi sa kanyang asawa.

MULING nabuhayan ng pag-asa si Arnold Romero, dating seaman, nang mabalitaan na maaari siyang makapag-aplay sa Philippine Transmarine Carriers (PTC) upang muling makasampa ng barko.

Nagtungo siya sa Bantay OCW at kaagad namang inindorso ang aplikasyon nito sa PTC. Bagaman nakapasa sa mga pagsusulit si Romero, hindi naman pasado ang kanyang eksamen sa medikal. Pinayuhan siyang magpa-opera muna sa mata bago maproseso muli ang kanyang aplikasyon. Tiniyak naman ng PTC na kapag maging matagumpay ang operasyon nito, kaagad umanong isasaayos ang muli niyang pagsakay ng barko.

Limang taon nang nagtatrabaho bilang helper electrician sa Meralco si Jay Carreon. Bagaman may sertipikasyon mula TESDA, naghihintay lamang siya ng tawag galing sa Meralco upang magkaroon ng trabaho paminsan-minsan. Marami siyang kakumpentensya sa trabahong ito, aniya.

Napanood ni Jay ang Bantay OCW program sa PTV4 noong Martes ng gabi, kung kaya naglakas-loob itong personal na humingi ng tulong upang mabigyan ng trabaho.

Pagbibida ni Jay, sa loob ng limang taong pagtatrabaho bilang helper electrician, sinusunod nila ang lahat ng mga tagubilin at regulasyon na inaasahan sa mga electrician, sanay na rin siya sa trabaho, at nakapagtapos ng mga seminar sa Meralco.
Ngunit bilang padre de pamilya, nais ni Jay na mabigyan siya ng oportunidad na mabigyang ng matatag na trabaho.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Inindorso na ng Bantay OCW ang aplikasyon ni Jay sa Philippine Transmarine Carriers (PTC) na siya namang magbibigay ng mga pagsusulit upang maibagay sa kaniya ang mga kinakailangang manggagawa sa kanilang tanggapan, samantalang maaari rin siyang makipag-ugnayan sa POEA para sa mas ligtas na pag-aabroad. Hanga kami sa sipag at determinasyon mo, Jay!

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending