SUMUKO na sa Balayan, Batangas Police Office ang driver at bodyguard ng prime suspect sa pagkawala ng beauty queen na si Catherine Camilon.
Base na rin sa inilabas na ulat ng TV Patrol noong Martes, January 9, sumuko na sa mga pulis si Jeffrey Magpantay na driver at bodyguard ng prime suspect sa kaso na si Major Allan De Castro.
Matatandaang silang dalawa ni De Castro ang pangunahing suspek sa pagkawala ni Catherine.
Si Jeffrey rin ang itinuro ng dalawang saksi na nanutok ng baril sa kanila matapos masaksihan ang paglilipat ng tatlong lalaki ng duguang babaw na pinaniniwalaang ang nawawalang beauty queen sa isang pulang SUV.
Ayon sa Chief of Police ng Balayan, Batangas na si Police Major Domingo Ballesteros, nais raw ng driver-bodyguard na sa kanilang presinto manatili. Mas panatag kasi sya sa istasyong ito dahil malapit lang ito sa kanyang mga kamag-anak.
Baka Bet Mo: Pamilya ni Catherine Camilon umaasang makakapiling pa rin ang beauty queen
“Gusto po niya dito mag-stay si Jeffrey Magpantay. Kung ano po yung legal process na gumugulong ay magiging readily available po siya sa course of the procedure po ng legal case po niya,” lahad ni Ballesteros.
Samantala, hindi naman nagpaunlak ng interview sa media si Jeffrey.
Ayon naman sa mga pulisya, hindi pa nakakulong ang driver-bodyguard dahil wala pa namang isinasampang kaso laban sa kanya.
Tatlong buwan na magmula nang hindi na magparamdam si Catherine sa kanyang pamilya.
Sa nagdaang pangalawang pagdinig sa kaso ng beauty queen ay hindi nakasipot si De Castro sa Batangas City Hall of Justice dahil mayroon daw itong sakit.
Sa kabila nito ay masaya ang pamilya ni Catherine sa paglantad ng driver-bodyguard.
“Nagkakaroon ako ng pag-asa kahit na nga ika nandudoon ang takot ko. Pero alam kong unti-unti ko nang malalaman kung nasan ang aking anak.
“Kahit nandoon ang takot, alam kong magkakaroon ng linaw. Yung pakiramdam ba na, pero sana, sana ligtas siya. Sana wala silang ginawang kahit anong masama sa aking anak,” saad ng ina ni Catherine.