Lotlot de Leon napagalitan nina Nida Blanca at Chito Roño sa shooting
By: Ervin Santiago
- 11 months ago
Lotlot de Leon
NAKATIKIM din ng pamboboldyak ang premyadong aktres na si Lotlot de Leon mula sa mga veteran stars at direktor noong nagsisimula pa lamang siya sa showbiz.
Naikuwento niya ito sa presscon ng bago niyang pelikula, ang “Isla Babuyan” na pinagbibidahan ng baguhang actress-singer na si Geraldine Jennings.
Si Lotlot ang gaganap na nanay ni Geraldine sa nasabing pelikula na isang “romantic tragicomedy”. Inilarawan itong “dark, sexy, disturbing and very sarcastic romance, and a surreal soap opera.”
Ayon kay Lotlot, tinanggap niya ang “Isla Babuyan” dahil nais niyang suportahan ang mga aspiring actress na may talent at talagang desididong gumawa ng sariling pangalan sa showbiz.
Sabi ng aktres, dumaan din siya sa mga challenges bilang baguhan at sinuportahan din siya ng mga veteran stars sa showbiz.
Sey pa ni Lotlot, 14 years old lamang siya nang magsimulang mag-artista at may mga pagkakataong napapagalitan din siya ng kanyang mga katrabaho.
Isa raw sa mga tumatak sa isip niya ay nang sitahin at pangaralan siya ng premyadong veteran actress na si Nida Blanca noong nabubuhay pa ito dahil sa pagiging late niya.
“I remember, noong nagsisimula ako, sobrang lagare ako noon as in sobra and we were doing ‘Prinsesang Gusgusin’ (isa sa mga blockbuster movie niya).
“Napagalitan ako ni Tida Nida, may she rest in peace, Nida Blanca,” pagbabahagi ng aktres.
Sinabihan daw talaga siya ng yumaong aktres na dapat ay professional siya pagdating sa oras.
Paliwanag naman ni Balot, nu’ng mga panahong yun ay sunod lang siya nang sunod kung ano ang sabihin at iutos ng mga namamahala ng kanyang career.
Kung ano raw ang instructions sa kanya ng kanyang manager ay sinusunod niya nang walang tanong-tanong.
Ngunit sey ni Lotlot, mula noon ay naging marespeto na siya sa oras ng kanyang mga katrabaho at talagang isinapuso niya ang payo ni Nida Blanca.
Mas naging professional din siya sa kanyang trabaho dahil ayaw niyang may masabi ang ibang tao na porke anak siya ng Superstar na si Nora Aunor at ng award-winning actor na si Christopher de Leon ay binibigyan siya ng special treatment.
Pagpapatuloy pa ni Lotlot, “Napapagalitan din po ako ng direktor, nasasabihan ako pag nagkakamali ako.”
Nakatikim din daw siya noon sa veteran director na si Chito Roño habang nagsu-shooting at talagang iniyakan daw niya yun. Du’n daw niya nasabi na parang ayaw na niyang mag-artista.
Pero sa huli, na-realize niya na ang lahat ng pangaral at paninita sa kanya ng veteran stars at direktor ay para rin sa kanya.
Samantala, malapit nang matapos ang shooting ng pelikulang “Isla Babuyan” kung saan kasama rin sina Jameson Blake bilang leading man ni Geraldine, Nathalie Hart, Paolo Gumabao, Dave Borneo, Samantha Da Roza at marami pang iba.
This is produced by Solid Gold Entertainment mula sa direksyon ni Abdel Langit.