Ibinahagi ni Coca sa publiko ang mga nalalaman niya hinggil sa kontrobersyang kinasangkutan noon ni Pepsi kung saan na-involve rin sina Vic Sotto, Joey de Leon at ang yumaong komedyante na si Richie D’Horsie.
Sa latest YouTube vlog ng broadcast journalist na si Julius Babao, mapapanood ang interview niya kay Coca Nicolas kung saan napag-usapan nga ang naging samahan nila noon ni Pepsi.
Sa mga hindi pa masyadong aware, si Pepsi ay isa ring kilalang bold star na nag-suicide sa edad na 18 noong May 31, 1985.
Bukod kay Coca, kasabayan din nila sa pagiging “Softdrink Beauties” ang sexy star na si Sarsi Emmanuelle.
Naging maingay din ang kanyang pangalan nang akusahan niya sina Bossing Vic, Joey at Richie D’Horsey ng panghahalay na naganap sa Room 210 ng Sulu Hotel sa Quezon City noong June, 1982.
Noong September, 1982, iniurong ni Pepsi ang kaso laban kina Vic, Joey, at Richie. Ayon sa dalaga, may mga taong gusto lamang pagkakitaan ang mga sikat na TV hosts sa gawa-gawang istorya.
“Walang pagkakasala ang mga nakademanda at ako’y pinilit lamang ng mga taong may pagnanais na kumita sa pamamagitan ng maling publisidad,” ang pahayag ni Pepsi sa isang panayam noon.
Sa interview ni Julius kay Coca, mukhang nagsasabi nga ng katotohanan si Pepsi hinggil dito. Mismong ang kanyang kaibigan daw ang nagsabi sa kanya na walang katotohanan ang naging paratang niya sa tatlong komedyante.
Tinanong daw niya mismo kay Pepsi ang tungkol dito, “Totoo ba yung sa inyo ni Tito, Vic, and Joey?”
Sagot daw ni Pepsi sa kanya, “Hindi ah! Alam mo naman si Tito Rey, parang hindi ka naman naano diyan kay Tito. Lahat gagawin niya para sumikat tayo.”
Ang tinutukoy nina Pepsi at Coca na Tito Rey ay ang namayapang talent manager na si Rey dela Cruz.
Patuloy pang rebelasyon ni Coca kay Julius, “Kaya yun po talaga. Ako mismo ang magpu-prove niyan na hindi totoo po yon.”
Sa pagsasalita ni Coco, umaasa ang mga taong nagmamahal at nagmamalasakit sa TVJ na matutuldukan na ang hindi mamatay-matay na isyu sa kanila at kay Pepsi Paloma.