IBINUNYAG ng dating child star na si Jiro Manio ang isa pa sa tunay na dahilan kung bakit niya naisipang ibenta ang kanyang prestigious award.
Magugunitang naging usap-usapan si Jiro matapos ibenta sa content creator at collector na si Boss Toyo ang kanyang “Best Actor” trophy na nakuha niya sa “Gawad Urian” noong 2004 dahil sa mahusay na pagganap niya sa pelikulang “Magnifico.”
Ang nasabing tropeyo ay prinesyuhan ni Jiro ng P500,000 pero nagkatawaran pa sila ni Boss Toyo hanggang magkasarahan sila sa last price na P75,000.
Nabanggit ng dating child actor na kaya niya ito ibinenta ay dahil nais niyang mapasama ang kanyang tropyeo sa itatayong museum ng content creator.
Pero inamin din ni Jiro sa naging panayam niya with ABS-CBN na nangangailangan din daw siya ng pera upang maitaguyod ang kanyang pamilya.
Baka Bet Mo: Netizens nanawagan kay Coco na kunin si Jiro Manio sa ‘Batang Quiapo’
“Nauunawaan din naman ako ng mga tao siguro kung bakit ko pinatago kay Boss Toyo ‘yung trophy. Siguro dala na rin ng hirap ng buhay,” sey niya sa interview
Patuloy niya, “Siguro maiintindihan ako ng mga tao na kailangan ko rin. May pangangailangan din ako.”
Nang tanungin naman siya kung bakit hindi siya bumalik sa mundo ng showbiz.
Ang sagot niya, “Sa ngayon po kasi, busy pa po kasi ako sa family lang and masaya naman po ako sa araw-araw at nakakatulong po ako sa kanila.”
Dagdag pa niya, “Isa pa, ang iniintindi ko po ay ‘yung self-recovery ko eh.”
Sa huli, lubos na pinasalamatan ni Jiro ang lahat ng sumusuporta sa kanya hanggang ngayon.
“Maraming, maraming salamat po at hanggang ngayon ay nandiyan pa rin kayo at nandito pa rin ako. Maging masaya lang po tayo araw-araw at magbago para sa hinaharap,” sambit niya.
Matatandaan noong 2015 nang muling umingay ang pangalan ni Jiro matapos siyang mamataang palaboy-laboy sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 3.
Ang isa sa mga tumulong noong nalululong siya sa bisyo ay ang Comedy Queen na si AiAi delas Alas.
Ipina-rehab siya ng komedyana at sinuportahan sa mga pangangailangan niya.