HINDI pa rin makapaniwala ang indie at Vivamax actor na si Cedrick Juan sa pagkapanalo niya bilang Best Actor sa Metro Manila Film Festival 2023.
Si Cedrick ang nagwaging pinakamahusay na aktor ngayong taon sa MMFF para sa kanyang pagganap bilang Padre Jose Burgos sa historical film na “GomBurZa.”
Tinalbugan niya ang kanyang mga nakalaban sa pagka-best actor na sina Dingdong Dantes (Rewind), Christopher de Leon (When I Met You In Tokyo), Derek Ramsay (Kampon), Alden Richards (Family Of Two: A Mother And Son Story), at Piolo Pascual (Mallari).
Hindi napigilan ni Cedrick ang mapaiyak sa kanyang acceptance speech sa MMFF 2023 Gabi ng Parangal nitong nagdaang December 27, 2023, na ginanap sa New Frontier Theater sa Cubao, Quezon City.
“Magpapakilala lang po ako sa inyong lahat. Marami sa inyo ang hindi nakakakilala sa akin. Ako po si Cedric Juan.
“Inaalay ko po itong parangal na ito para sa lahat ng Pilipinong hindi nakakakuha ng tamang hustisya dahil 152 years ago ganoon po ‘yung nangyayari sa atin.
“‘Yan din po ang kwento ng tatlong padre na sana ay matuto tayo sa ating history, hindi dahil para baguhin ito kundi para matuto.
“Maraming, maraming salamat po sa inyong lahat dahil sumugal po kayo sa akin sa katulad ko na nagmamahal sa pag-arte, maraming-maraming salamat teatro,” mensahe pa ng aktor.
Baka Bet Mo: Cedrick Juan super cry nang manalong best actor sa MMFF 2023; may panawagan
Sa kanyang Facebook page naman, muling nag-post si Cedrick ng mensahe tungkol sa kanyang pagkapanalo. Aniya, “Bente kwatro oras ng lumilipad ang pakiramdam sa isang malaking rekognisyon na nakuha sa loob ng sampung taong pagiging aktor.
“Hindi ko lubos maisip na makukuha ko ito. Sabi ko nga sa ilang beses na mga interbyu kapag tinatanong ako kung anong masasabi ko tungkol sa parangal na ito, lagi kong naisasagot na ayokong umasa.
“Dahil alam kong maraming magaling na aktor ang kasama sa Metro Manila Film Festival 2023.
“At bilang aktor na nagsimula sa entablado ay hindi kami nagtatrabaho at umaarte para sa parangal, dahil mas ang trabaho ng isang artista ay ang paghahanap ng katotohanan sa bawat eksena, linya at karakter.
Baka Bet Mo: LGBTQIA+ movie ‘Two And One’ panalo sa threesome; Miggy Jimenez susunod sa yapak nina Jake Cuenca at Jericho Rosales
“Lalung-lalo na ang isabuhay ang pinakamahalagang parte namin sa mundo.
“Ang integridad sa pangaraw-araw, ang boses para maitama ang mga mali at maging parte ng inspirasyon ng mga tao sa mga ginagawa namin.
“Pero ang parangal ay isa din sa mga simbolo ng pagpapahalaga at pagpapatunay na nagbunga ang lahat ng pinaghirapan.
“Masasabi kong bonus ito, dahil malaking bagay na ang makitang umiiyak, pumapalakpak at nakakaapekto sa mga Pilipino ang pelikulang GOMBURZA. Masayang-masaya kami lahat dito.
“Sa lahat ng nagpapahatid ng kanilang pagbati at kasiyahan sa nakamtan ko na ito, maraming-maraming salamat. Nakikita, naririnig at nararamdaman ko kayong lahat. Pasensya na at na-busy lang.
“Muli maraming salamat sa lahat ng nakasama sa misyon na ito. Tagumpay itong ibinabahagi ko sa inyong lahat.
“Salamat sa lahat ng hurado ng MMFF, salamat sa pagsugal din sa akin! Sorry ang drama ko masyado HAHA.
“Mabuhay ang Pelikulang Pilipino! Mabuhay ang Teatrong Pilipino! Mabuhay ang lahat ng manggagawa sa pelikula at entablado!” ang buong pahayag ni Cedrick.
Una naming napanood si Cedrick sa Vivamax Plus Original movie na “Two and One” kung saan naka-threesome niya sa mga sex scenes sina Miggy Jimenez at Paolo Pangilinan.
Ipinalabas ito sa nasabing streaming app noong October, 2022.
Matapos magwaging best actor maraming beki ang na-curious sa binata at nagsabing gusto nilang mapanood ang “GomBurZa” at ang sexy movie niyang “Two and One.”