#SerbisyoBandera: Delivery rider rescuer, ‘bayani’ ng mga aso’t pusa sa daan

#SerbisyoBandera: Delivery rider rescuer, ‘bayani’ ng mga aso't pusa sa daan

PHOTO: Courtesy Facebook/Star in the Sky

BUKOD sa hindi matatawarang sipag, nagsisilbi ring bayani sa daan ang delivery rider na si Jefferson Starsky Cas mula Taytay, Rizal.

Naging misyon na ni Jefferson ang magbigay ng tulong sa mga makikita niyang “stray animals.”

Nakausap ng BANDERA ang delivery rider at naikuwento nga niya na dahil sa kanyang pagmamalasakit sa stray animals ay ginagawa na niya itong sideline kahit walang kapalit.

Dalawang taon na, aniya, siyang nagpapakain at nagre-rescue ng mga aso’t pusa sa daan na makikita niya sa kanyang ruta.

“Naisip ko pong gawin ito dahil naaawa ako sa mga stray…Bago po ako magbiyahe sa umaga ay nagbabaon ako ng mga pagkain ng mga stray at sa gabi po ay uuwi ako sa bahay para magdala ulit ng baon para sa iba pang mga stray naman,” chika ni Jefferson sa amin.

Baka Bet Mo: Jelai Andres naghihinagpis sa pagkamatay ng mga alagang aso: Bakit naman nilason n’yo?

Paliwanag niya, “‘Nung una ay ‘yung sobra ko sa budget ang pinangbibili ko araw-araw ng pagkain ng mga stray kaya kaunti lang ang napapakain ko, pero nang tumagal po may mga tumutulong na sakin.”

“May mga nagbibigay ng mga pagkain through donations, tulad ng dog food, cat food, bigas– kaya po mas madami na akong stray na napapakain sa mga kalye,” sambit pa niya.

Ani niya, “May mga regular stray po ako na mga pinapakain araw-araw at gabi-gabi po tapos yung iba po ay ‘yung madaanan ko po tuwing biyahe.”

Kamakailan lang ay ipinagdiriwang ni Jefferson ang kanyang kaarawan at imbes na ilaan niya ito sa kanyang sarili, ang pinaghanda niya pa ay mga stray animals. 

Makikita sa kanyang Facebook page na “Star in the Sky” kung ano ang niluto niya para sa mga ito.

“Naghanda ako para sa mga stray [emojis] Nagluto ako ng atay, carrots at kanin na may toppings ng dogfood/catfood,” caption niya. 

Wika pa niya, “Wish ko sana lahat ng stray pagmalasakitan ng mga tao [red heart emoji] Sana lahat ng stray magkaron ng fur’ever home. Sana dumating ang araw na walang ng stray sa mga kalsada dahil inaalagaan at minamahal na sila ng mga tao [folded hands emoji].”

Nabanggit din niya na bukod sa pagbibigay ng pagkain ay nakapag-rescue din siya at nakapag-ampon ng pet animals na nakita sa daan.

 “Sa mga nakalipas na taon, proud ako sa mga nagawa ko para sa mga stray dahil na-rescue ko sila or napa-rescue, nahanapan ng bagong tahanan, nailigtas sa mga kapahamakan, at kahit maliit lang ang aking inuupahan ay naging bukas ito para sa ibang mga stray na mga furbabies ko na ngayon at sama-sama kami sa hirap at ginhawa,” aniya.

  

Nang tanungin namin ang delivery rider kung anong mensahe ang nais niyang iparating sa publiko, “Ang message ko po sa mga tao ay kung hindi po nila kayang pagmalasakitan ang mga stray tulad ng pagfe-feeding or pagkupkop para ituring na pamilya sa bahay, ‘wag na lang po sasaktan ng mga tao ang mga stray dahil may buhay at damdamin din sila.”

Ang kwento ni Jefferson ay nagbibigay-inspirasyon sa mga kababayan na maging mas mapagmalasakit hindi lang sa kapwa, kundi pati rin sa hayop.

Ang ginagawa rin niya ay isang patunay na kahit sa simpleng paraan ng pagtulong ay maaari pa ring magdala ng ngiti sa mukha ng iba.

Sa mga nais mag-share ng mga nakaka-inspire na istorya, o kaya naman gustong dumulog o humingi ng tulong, lalo na sa mga nawawalang mahal sa buhay o kahit anong public service announcements, huwag mag-atubiling mag-message sa social media pages ng BANDERA.

Read more...