Bentahan ng pre-registered SIM cards talamak sa social media | Bandera

Bentahan ng pre-registered SIM cards talamak sa social media

Jake J. Maderazo |
Wag Kang Pikon -
December 19, 2023 - 02:25 PM

sim cards in the philippines

Akala ko ba maghihigpit na ang telco sa mga SIM cards na nabigong magpa-rehistro sa kanilang deadline noong April 26? Bakit may mga binebenta ngayong pre-registered SIMS sa Facebook Marketplace at iba pang online platforms na ang halaga ay P500 bawat isa?

Ayon kay PAOCC Usec Gilbert Cruz, ang mga SIMS na ito ang ginagamit ng mga online at text  scammers upang makaiwas sa mga law enforcers. Kapag sila ay nahuli, ang mananagot ay ang taong mismong kumuha ng pre-registered SIMS sa ilalim ng kanyang pangalan. Sinabi pa ni Cruz na sinisiyasat na ni Senator Grace Poe ang mga telco hinggil sa responsibilidad nito sa bentahan ng mga SIM cards.

Ayon naman kay DICT Usec Jeffrey Ian Dy, ang parusa sa pagbebenta o paglilipat ng SIM ay kulong na anim na  buwan hanggang isang taon at multa na hindi bababa sa P300,000. Ayon pa kay Dy, kahit ang SIM na binili ay dati nang nakarehistro, kailangan nila itong irehistro sa sariling pangalan ng gumagamit nito.

Ayon pa sa DICT, iniimbestigahan na nila ang bentahan sa SIM cards sa online platforms at ang koneksyon nito sa mga online scams at cyberfraud, kasama ang Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) at National Telecommunications Commission (NTC).

Kaya naman, nagsulputan muli ang mga text scams sa ating mga mobile phones. Kung anu-anong number ang nagpapadala ng mensahe, mga raket na dapat sana ay pinipigilan na ng mga telecommunication companies tulad ng Globe, Smart at iba pa. Oo nabawasan nga, pero hindi naman sila nawala talaga. Ngayon naman, ito ang mas malaking problema , ang mga binebentang pre-registered sims na lantarang nabibili sa social media, kahit labag sa batas . 

Talaga bang inutil ang gobyerno at ang telco companies sa ating cybersecurity at pinababayaan ang ganitong pambabastos sa  ating mga patakaran?  Abangan natin ang mga follow up dito.

5M turista ngayong 2023; higit 10M dapat sa 2024    

Sa kabila ng target ng Dept of Tourism na 4.8 million foreign tourists para ngayong taon, lumampas na sa 5,069,752 foreigners and dumating sa bansa noong December 11. At dito  umabot sa P439.5-B ang nakolektang tourist receipts o  “revenue” ng bansa. At mas importante rito ay nakalikha ito ng panibagong 10 million jobs para sa mga kababayan natin.

Ayon sa World Tourism barometer, mas mabilis ang recovery ng international tourist arrivals sa Pilipinas, mga 65.54 percent , na  mas mataas sa 62 percent average recovery rate ng buong Asia-Pacific Region. Kung tutuusin, walang dahilan kung bakit Plipinas dapat ang puntahan ng mga dayuhan sa halip na Thailand (19M) Malaysia (26M), Indonesia (9M) Singapore (14M).

Napakaganda ng ating bayan at ang kailangan lamang ay magkaisa tayong lahat upang i-promote ito sa mga dayuhan. Maging magiliw tayo sa mga turista tulad ng pagpapakita nila sa atin kapag tayo ay nasa abroad. Sa ngayon ang ating top source ng turista ay South Korea, US, Japan, China Australia, Canada, Taiwan, UK, Singapore at Malaysia.

Sa totoo lang, madumi ang laro ng mga kapitbahay at kalaban nating mga bansa sa turismo. Lahat ng negatibong balita ay nilalabas nila tungkol sa Pilipinas, at ang malungkot, mismong ang Philippine media ang siyang “source” ng mga balita kaya hindi na dito nagpupunta ang mga dayuhan.

Bukas na ang Mindanao ngayon, at siyempre nariyan ang magaganda at tagong mga lugar sa Visayas at sa Luzon. Napakarami nang travel awards ang tinanggap ng bansa bilang world’s leading beach at world’s leading dive destination. Maipagmamalaki rin ang ating mga urban centers tulad ng BGC, Mall of Asia, Greenbelt kung saan ligtas na makakapamasyal ang mga dayuhan sa kanilang “shopping” o eating adventures.  Ligtas din sa Puerto Princesa, Siargao, Bohol, Cebu, at napakarami pang lugar na  namamangha ang mga dayuhan.

Tama si Pangulong Marcos nang sabihin niya na ang Pilipinas ay magiging tourism powerhouse sa Asya. Sa ngayon, maraming kapitbahay natin ang agresibo sa pang-eenganyo ng mga tourists sa pamamagitan ng kanilang Visa free policies. Kahit tayo ay meron ding no visa for 30 days sa mga EU citizens, Australia, Russia at South American countries, pero hindi sa China. Ang ilang bansa sa Southeast Asia tulad ng Thailand, Cambodia at Malaysia ay nagaalok din ng no visa sa China, kung saan napakaraming mga turista ang dumarating sa kanila. Isang bagay na hindi naman natin magawa dahil sa tensyon ngayon sa West Philippine Sea. 

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Noong 2018, umabot sa 7.1 million ang mga dumating na tourists sa bansa kahit isinara noon ang Boracay para linisin. Nang sumunod na taong 2019 o bago mag-pandemic, ang tourist arrivals natin ay pumalo sa pinakamataas na 8.26M na siyang existing record ng national Tourism Development Plan (NDTP) .

 So tandaan nating lahat. Alagaan natin ang bawat turista o dayuhan na dumarating sa bansa natin. Ang kanilang “tourism dollars” ang magpapaunldad sa aing ekonomya bukod pa sa napakaraming trabaho sa mga tourism establishments natin. Huwag nating siraan ang sarili nating bansa at sa halip  ipagmalaki ng husto ang ganda ng ating  bayan.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending