GOOD news sa pagpasok ng bagong taon, lalo na sa mga kasambahay!
Inanunsyo kasi ng Department of Labor and Employment (DOLE) na nakatakdang tumanggap ng P500 na dagdag-sahod kada buwan ang mga domestic worker sa Metro Manila.
Ibig sabihin, ang buwanang sweldo na P6,000 ay magiging P6,500 na.
Ayon sa inilabas na wage order ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB) ng National Capital Region (NCR), ang bisa nito ay mararamdaman sa darating na January 3, 2024.
Bukod sa NCR, ang domestic workers sa Caraga region ay magkakaroon din ng P1,000 monthly wage increase na epektibo naman sa January 1, 2024, base na rin sa inilabas na wage order ng RTWPB of Caraga.
Baka Bet Mo: Ruffa naiyak nang mapag-usapan ang domestic violence sa ‘It’s Showtime’
Samantala, ang minimum wage workers ng nasabing rehiyon ay makakatanggap ng P20 dagdag-sahod na mula sa P350 ay tataas na sa P370 na magsisimula rin sa January 1, 2024.
Bukod diyan, may additional P15 wage increase pa ulit sa darating na May 2024.
Ibig sabihin, ang P370 na arawang sahod ay magiging P385 sa Caraga.
Ayon sa DOLE, ang mga makikinabang sa bagong kautusan na ito ay aabot ng 65,681 minimum wage workers ng Caraga, at 256,476 domestic workers ng nabanggit na rehiyon at Metro Manila.