KASALUKUYANG nasa Pilipinas ang “The Voice” season 19 alumna na si Ryan Gallagher para sa promo ng sinulat niyang Christmas song na “The Feeling of Christmas.”
Ipinikit namin ang aming mga mata habang kumakanta si Ryan at naririnig namin sa kanya ang boses nina Italian tenor na si Andrea Bocelli at American Tenor/Baritone na si Josh Groban.
Ang awitin ng mga nabanggit ang kinanta ni Ryan nang mag-audition siya sa The Voice kung saan napansin siya at pinili niyang voice coach na si Kelly Clarkson.
Pero nang mapakinggan namin ang ibang awitin ni Ryan sa YouTube tulad ng “Learn How to Love” at “When I Fall” ay bagay din sa kanya ang pop ballad.
Sa panayam ni Ryan kay Christine Jacob-Sandejas ng CNN Philippines ay nabanggit nitong pabalik-balik siya ng Pilipinas at inaming nagustuhan niya ang ating bansa lalo na ang mga Pinoy sa mainit na pagtanggap sa kanya at sa katunayan ay biniro pa ng CNN host na adopted son na ang mang-aawit.
Base sa obserbasyon namin kay Ryan nang ipa-interview siya ni Ms. Liza Dino sa Aromata Restaurant, 120 Scout Lazcano, Quezon City nitong Huwebes (Dec. 14) ay nakuha niya ang loob ng mga Pinoy dahil sa kanyang ugaling walang yabang sa katawan, at ikinuwento ng singer ang dahilan kung bakit siya kaagad nawala sa “The Voice.”
Baka Bet Mo: Juday inaatake ng ‘sepanx’ sa pagbabalik ng face-to-face classes, personal na inihatid si Luna sa school
At alam niyo bang nalaman din namin na inaral pala niyang magsalita at umintindi ng wikang Filipino at nag-aral din ng Original Pilipino Music (OPM) tulad ng “Minsan Lang Kitang Iibigin” ni Ariel Rivera at “Kahit Isang Saglit” ni Verni Varga na kinanta rin ni Martin Nievera.
Walang regular gigs pa si Ryan base sa kanyang bagong management pero naka-duet na niya ang ilang Pinoy iconic singers na sina Martin, Mark Bautista at Lea Salonga.
Tinutulungan nina Ice Seguerra at Ms. Liza si Ryan sa kanyang guestings para sa promo ng awiting “The Feeling of Christmas,” tulad sa nakaraang show ng una sa Klownz ay nag-guest ang huli.
Kinanta nina Ice at Ryan ang awiting “Sun and Moon” ni Anees at balak daw nilang mag-collaborate sa isang original song.
Sa kasalukuyan ay under negotiation ang pagma-manage nina Ice at Liza sa career ni Ryan Gallagher dito sa bansa at kung may magagandang offers naman daw, willing mag-stay dito for good para mai-share ang talento sa pagkanta.
May isa pang gustong maka-duet ni Ryan, ang Popstar diva na si Sarah Geronimo-Guidicelli.
Samantala, dito sa bansa magpa-Pasko si Ryan at ikatlong beses na niyang magdiwang ng Kapaskuhan at napansin niya na napakahaba pala ng selebrasyon ng mga Pinoy sa Pasko dahil simula palang ng Setyembre ay may mga naririnig na siyang Christmas songs at nakakakita na ng mga dekorasyon na ibang-iba naman sa Amerika kung saan siya nakatira.
Mukhang magaang ka-trabaho si Ryan kaya walang magiging problema sa kanya at magiliw siya sa tao kaya siguro nagustuhan siya ng mga Pinoy.
Habang sinusulat namin ito ay single o walang kasintahan si Ryan dahil ang prayoridad niya ay ang kanyang binubuong karera sa Pinas.