ANG bongga ng naiisip ng award-winning actress na si Gladys Reyes para sa reunion project nila ni Judy Ann Santos.
Sa halip daw na teleserye o pelikula, parang mas type ng La Primera Contravida ng kanyang henerasyon na magsama sila ni Juday sa isang espesyal na concert o live show.
Sa pakikipagchikahan namin kay Gladys kamakailan sa presscon ng bago niyang pelikula, ang “Unspoken Letters” na pinagbibidahan ng baguhang young actress-singer na si Jhassy Busran, ay napag-usapan nga ang friendship nila ni Judy Ann.
“Sa totoo lang, naisip ko na iyan. Kasi inspired by yung ginawa nina Ate Sharon (Cuneta) at Kuya Gabby (Concepcion),” ani Gladys na ang tinutukoy ay ang “Dear Heart” reunion concert nina Sharon at Gabby.
Baka Bet Mo: Gladys balik-kontrabida sa ‘Black Rider’ nina Ruru at Matteo; hinding-hindi makakalimutan ang ‘Eat Bulaga’ ng TVJ
“Noon ko pa pinaplano, sana nga movie. Pero kung hindi man movie, aba e, why not in a concert nga!” ang excited na chika ni Gladys.
Maraming pinagsamahang projects ang magkaibigan pero siyempre ang pinaka-classic sa lahat ay ang phenomenal Kapamilya series na “Mara Clara” na umere mula 1992 hanggang 1997.
Patuloy ni Gladys, “Judy Ann and Gladys in concert, tapos meron tayong live band, di ba? At ang mga special guests namin si Christophe, si Yohan.” Na ang tinutukoy ay ang panganay na anak nila ni Christopher Roxas at ang panganay na anak nina Juday at Ryan Agoncillo.
“Umpisahan muna natin du’n kasi matagal pa bago yung pelikula, di ba? Kailangan ayusin ang script, ang ganito, pero bakit hindi concert. Kumbaga nakakanta naman, may album nga si Judy Ann, e,” sabi pa ni Gladys.
Tatlong album ang nagawa noon ni Juday, ang “Judy Anne” (1998), “Bida Ng Buhay Ko” (2001) at “Musika ng Buhay Ko” (2007). June, 2007 naman ginanap ang kanyang 20th anniversary concert sa Araneta Coliseum titled “Bida ng Buhay Ko: 20 Years of Judy Ann Santos”.
Bet na bet naman ng mga netizens ang pagkanta ni Gladys nang live sa kanyang social media accounts habang naghu-hula hoop.
Ang naiisip ni Gladys na posibleng title ng reunion project nila ni Juday ay “Mara Clara: The Concert,” “Pero hindi ko pa ‘to nabanggit kay Judy Ann, actually dito ko pa lang, sa iyo ko pa lang unang nasabi. Babanggitin ko sa kanya.
“Kasi gusto ko ring mai-showcase yung talent nina Yohan, nila Christophe, ni Lucho, so why not di ba, in one concert kasi puwedeng yung resurrecting the past, yung mga batang ‘90s.
“At alalahanin mo, yung mga batang ‘90s na mga ka-contemporary namin noon na mga nanonood sa amin sila na yung mga boss, di ba? Sila na yung kumbaga meron na silang budget, di ba, para makanood. Kasi mga nagtatrabaho na sila.
“Ako nae-excite ako sa thought na, why not, actually iniisip ko nga in 2024, baka puwede kong i-request kay Judy Ann na iyon ang birthday ano niya sa akin, instead na birthday ano, birthday concert!” sabi pa ni Gladys.
“We’re expecting na sana yung mga sumuporta sa amin mula noon sa Mara Clara, nandiyan pa rin sila at sana yung mga anak nila nadagdag sa mga magsu-support, di ba?” aniya pa.
Samantala, showing na ang “Unspoken Letters” sa December 13 sa mga sinehan. Bukod kina Gladys at Jhassy, kasama rin dito sina Glydel Mercado, Tonton Gutierrez, Matet de Leon, Simon Ibarra, Daria Ramirez, Deborah Sun, Orlando Sol, John Heindrick, Christine Samson at MJ Manuel.
Ito’y mula sa panulat at direksyon ni Gat Alaman na siya ring executive producer ng pelikula, under Utmost Creatives Motion Pictures.