Gretchen Malalad
TINANGKANG lasunin ng kasambahay ang 30 alagang pusa ng dating ABS-CBN reporter na si Gretchen Malalad gamit ang muriatic acid.
Ibinahagi ni Gretchen ang nakababahalang insidenteng ito sa pamamagitan ng kanyang social media upang magsilbing warning na rin sa mga may alagang hayop.
Mapapanood sa isang TikTok video ang paglalahad ni Gretchen tungkol sa ginawa ng dati niyang helper sa bahay na tumagal sa kanya ng dalawang taon, sa mga inampon niyang pusa na umabot na sa 30.
Makikita sa video ang naturang kasambahay na may hawak na mug at patungo sa kulungan ng kanyang mga cat. Sabi ng dating Kapamilya reporter, muriatic ang laman ng mug na inilagay nito sa drinking bowl ng mga alaga niya.
Agad naman daw isinumbong kay Gretchen ng iba pa niyang helper ang ginawa ng kasambahay sa mga hayop matapos makumpirma na muriatic acid nga ang ibinuhos sa tubigang nasa kulungan.
Ayon sa report ng ABS-CBN, nagsampa na ng reklamo si Gretchen sa isang barangay sa Manila kung saan naninirahan ang naturang maid.
Baka Bet Mo: 70 na ang alagang aso’t pusa ni Jona sa bahay; gumagastos ng P70k kada buwan
Sinabi ng barangay chairman ng Barangay 189, Manila, na si Alladin Cuevas, pagkatapos nilang rebyuhin ang CCTV footage umamin din ang maid na tinangka nga niyang lasunin ang mga puso.
“Hindi siya makapag-deny pero siguro alam niya sa sarili niya na nahuli siya kasi ‘yung mug po, nasa mug.
“‘Yung muriatic pinipilit nya inumin pero ‘di naman niya inilalapit po kasi nandoon po nakalagay muriatic. Naging sagot niya, wala naman namatay na pusa,” pahayag ni Cuevas.
Nabanggit din daw ng kasambahay na marami rin siyang hirap at sakripisyo sa pag-aalaga sa mga pusa ni Gretchen. Ani Cuevas, “Yung pananakit, ‘yung kalmot at kagat ng pusa. Sabi ko natural ‘yan, kasi nag-aalaga ka.”
Nakatakdang magharap si Gretchen at ang dati niyang helper sa barangay sa darating na sa December 10. Ayon pa sa ulat, desidido ang dating ABS-CBN reporter na ituloy ang legal action laban sa dati niyang kasambahay.