Mga suspek sa pagkawala ni Catherine Camilon mas lalong nadiin sa mga bagong ebidensiya ng PNP, pero nasaan na nga ba ang beauty queen?
By: Ervin Santiago
- 1 year ago
Catherine Camilon
NAPAKARAMI nang inilabas na updates ng Philippine National Police-Criminal Investigation Group (PNP-CIDG) sa kaso ng pagkawala ni Catherine Camilon pero hanggang ngayon ay hindi pa rin natatagpuan ang beauty queen.
Ang latest, nag-match ang DNA ng parents ni Catherine sa mga hibla ng buhok at dugo na-recover sa isang inabandonang sasakyan sa Batangas.
Ito ang kinumpirma ni CIDG director Police Major General Romeo Caramat, Jr. sa report ng “24 Oras” kaugnay ng ginagawa nilang operasyon at imbestigasyon sa kaso ni Catherine.
“Hair strands and other blood na nakita doon sa sasakyan ay nag-match doon sa DNA profile na naibigay ng magulang ni Miss Catherine Camilon.
“Yung mga witness natin ay hindi nagsisinungaling.There is a corroborative evidence na yung nakita nilang babae na binubuhat ng mga suspects natin ay certainly si Miss Camilon yun.
“Mas bumigat yung kaso na isinampa natin doon sa mga suspects dahil nga nagtutugma ang mga sinasabi ng mga witnesses natinin,” sabi pa ng opisyal ng PNP.
Pagpapatuloy pa ni Caramat, “Our PNP Forensic Group chemists are trying to examine pa para makapag-lift ng finger prints doon para i-match doon sa mga nasampahan natin na mga suspects.”
Kamakailan ay sinampahan na ng mga kasong kidnapping at serious illegal detention ang tinaguriang prime suspect ng CIDG na si Major Allan De Castro kasama ang tatlo pang suspek.
Kinumpirma rin ng PNP official ang relasyon ni De Castro kay Catherine na una nang ipinaalam ng pamilya ng beauty na naging kandidata pa sa Miss Grand Philippines 2023 last July.
Sa kabila ng mga natuklasan ng CIDG, nananatiling missing person pa rin si Catherine dahil hindi pa rin nila matukoy ang kinaroroonan ng dalagang nawawala.
Pero buhay pa rin ang pag-asa ng pamilya ni Catherine na matatagpuan ding ligtas ng PNP ang dalaga na nawala noon pang October 12.