Aiko balik-ABS-CBN para sa bagong teleserye; totoo bang may planong tumakbo sa mas mataas na posisyon sa 2025?
By: Reggee Bonoan
- 12 months ago
Aiko Melendez
TATAKBO ba si Konsehala Aiko Melendez sa mas mataas na posisyon sa darating na 2025? Kaliwa’t kanan kasi ang proyekto niya sa Distrito 5 ng Quezon City.
Ito ang maugong na balita kaya’t kaagad naming tinanong ang konsehala tungkol dito at tawa siya ng tawa nang marinig ang tanong namin.
“Ha, ha, ano ka ba Ate Reggee, hindi po. Tatapusin ko ang termino ko bilang konsehal ng Quezon City, wala akong planong tumakbo at alam naman ito ng mga kasama ko sa konseho, even Mayor Joy Belmonte, I told her, ‘hindi po ako tatakbo Mayor sa next election.’
“Marami pa kasi akong dapat tapusin ate Regs mga nasimulan ko kailangan matapos bago ako matapos,” paninigurado ni konsi Aiko nang maka-chat namin through Facebook.
Sabagay, ugali naman talaga ng aktres na public servant na ngayon na kung ano ang nasimulan niya ay kanya itong tinatapos.
Sa kasalukuyan ay umabot na sa 10,500 residente ng Quezon City ang napagkalooban ng financial assistance na naibaba sa pamamagitan ni Konsi Aiko at bukod dito ay nakapagbaba rin katumbas ng P20 million sa medical assistance sa pamamagitan ng guarantee letters.
At kamakailan ay ginawaran siya ng National Outstanding Humanitarian and Leadership Service at kasama rin niyang pinarangalan si Quezon City Mayor Joy Belmonte bilang National Outstanding Mayor of the Philippines ng Saludo Excellence Award.
Ang lahat ng proyekto ni Konsi Aiko ay naging posible dahil na rin sa pakikipag-ugnayan sa mga mambabatas at sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa pangunguna ni Sec. Rex Gatchalian.
Nakatanggap ng ayudang P1,000 to P2,000 ang kanyang mga kadistrito sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis o AICS ng DSWD simula ng muli siyang maupo bilang konsehal ng ikalimang distrito. Nauna nang nagsilbi bilang konsehal ng Quezon City si Aiko noong 2001 hanggang 2010.
“Ang AICS ay diretsong tulong na ipinagkakaloob ng DSWD sa mga Pilipinong humaharap sa krisis. Ang layunin natin ay maseguro na walang mamamayan ang maiiwan, at kami ay patuloy na magsusumikap upang mas marami pang maabot ng proramang ito mula sa Lungsod ng Quezon,” say ng aktres.
Sa harap ng patuloy na pag-usbong ng krisis at pangangailangan ng mga mamamayan, sinabi nito na patuloy siyang magsusumikap upang maging boses ng mga nangangailangan at magkaruon ng positibong pag-asa sa buhay ng mga taga-Quezon City.
Kabilang sa mga mambabatas na nagbaba ng pondo sa ikalimang distrito sa pamamagitan ng DSWD ay sina Senator Christopher Lawrence “Bong” Go, Senator Ronald “Bato” Dela Rosa Senator Grace Poe, Senator Manuel “Lito” Lapid, Senator Robin Padilla, at Senator Joel Villanueva.
Nagpasalamat ang konsehala sa tulong ng mga mambabatas at ng DSWD na pinakainabangan ng may 10,500 residente mula sa ikalimang distrito.
Aniya, “Ako’y nagpapasalamat na naging daan ang aming tanggapan upang itong tulong mula sa national government at sa ating mga mambabatas ay maibaba sa ating mga kadistrito na humaharap sa kahirapan at pagsubok sa kanilang buhay.”
Nangako naman si Melendez na patuloy siyang makikipag-ugnayan sa lahat ng sector na maaring magkaloob ng tulong para sa mamamayan ng Quezon City.
Samantala, tinanong namin kung kailan naman siya babalik sa harap ng kamera dahil for sure nami-miss na niya rin ito.
“May gagawin akong teleserye ate Reggee, pero hindi pa puwedeng sabihin, eh. Wait na lang natin, ha?” pakiusap ni Aiko sa amin.
Papayag ba kaming hindi namin malaman ito, nag-imbestiga kami sa GMA 7 kung saan huling gumawa ng serye ang aktres cum politiko pero ang sagot sa amin ay wala raw silang nakalatag pa.
Kaya may-I-lipat kami ng pag-iimbestiga sa ABS-CBN at bingo, may offer daw pero ayaw sabihin pa sa amin kung ano ito. Ha-hahaha! Akala siguro ni Konsi Aiko hindi namin malalaman.
Yun lang, wala pang detalye kung anong serye ito, pero sure na balik-Kapamilya si Konsi Aiko na ang huling teleserye niya ay ang “Wildflower” noong 2017-2018 bilang si Emilia Ardiente na naging household name ng mga panahong iyon.