Miss Nicaragua Sheynnis Palacios waging Miss Universe 2023
By: Ervin Santiago
- 1 year ago
Miss Universe 2023 Sheynnis Palacios
ITINANGHAL na Miss Universe 2023 si Sheynnis Palacios mula sa Nicaragua sa pagtatapos ng ika-72 edisyon ng international beauty pageant na ginanap sa José Adolfo Pineda Arena sa San Salvador, El Salvador.
Tinalbugan ni Miss Nicaragua ang mahigit 80 iba pang kandidata mula sa iba’t ibang panig ng mundo. Ipinasa sa kanya ang korona ni 2022 Miss Universe R’Bonney Gabriel mula sa Amerika na may lahi ring Filipino.
Wagi bilang first runner-up sa ginanap na Miss Universe 2023 si Miss Thailand Anntonia Porsild habang second runner-up si Miss Australia Moraya Wilson.
Nabigo naman ang pambato ng Pilipinas na si Michelle Dee na umabot hanggang sa Top 10 pero hindi na nga nakapasok sa Top 5 finalists.
Siya na sana ang ikalimang Pinay na kokoronahang Miss Universe, na una nang nasungkit ng apat na reyna na sina Gloria Diaz, Margie Moran, Pia Wurtzbach at Catriona Gray.
Pero in fairness, talaga namang kinarir din ng Kapuso actress at beauty queen ang training para sa paglaban niya sa naturang pageant at nangako siya sa sambayanang Filipino na gagawin niya ang lahat para maiuwi ang titulo at korona.
Sabi nga niya pagkatapos ng prelims competition, “Now, it’s really about enjoying the process and trusting in the training, and let’s see what happens.
“I have been working every single day with my mentors to try and improve, to make sure that I am the best representation of the country that we love.
“Kita n’yo naman prelims pa lang, I really wanted to embody the true essence of being a Filipino and I’m so happy about all the feedback,” aniya.
Ang mga personalidad na bumubuo sa selection committee ng Miss Universe pageant this year ay sina Halima Aden, Somali-American model; Mexican singer Mario Bautista; Giselle Blondet, TV host mula Puerto Rico; 1977 Miss Universe Janelle Commissiong mula sa Trinidad and Tobago; American social media personality Avani Gregg.
Nandiyan din sina Carson Kressley, TV personality, actor, at designer mula sa US; Connie Mariano, Filipino-American physician; Miss Universe 2016 Iris Mittenaere mula sa France; Sweta Patel, Roku’s Vice President of Merchandising and Growth Marketing; at Denise White, Miss Oregon 1994 at American businesswoman.
Ngayong taon, all-female team ang magsisilbing host sa grand coronation ng Miss Universe 2023 na kinabibilangan nina Maria Menounos, Olivia Culpo at Jeannie Mai. Magsisilbi namang backstage correspondents sina Zuri Hall at Catriona Gray.