Sinong epektib: Si Coloma, Lacierda o Valte?
SA pag-eksena ni Presidential Communications Operations Office (PCOO) head Secretary Herminio “Sonny” Coloma bilang regular na tagapagsalita ni PNoy na dati ay limitado lamang kina Presidential Spokesperson Edwin Lacierda at Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte at paminsan-minsang paghalili ni Presidential Communications and Strategic Planning Office (PDSPO) head Secretary Ramon “Ricky” Carandang, nabuhay na muli ang dati nang sinasabing paksyon sa loob ng Communications Group.
Kahit pa sabihin nina Coloma at Lacierda na sariling inisyatiba ng una ang intensyon niyang magbigay ng briefing sa mga mamamahayag na nakatalaga sa Malacañang, hindi naman ito mangyayari kung hindi iniutos ni Pangulong Aquino.
Napagdesisyunan ang pagpasok ni Coloma sa panahon ng pagbisita ni PNoy sa South Korea kamakailan kung saan sila ang magkasama.
Sa nasabing panahon ding iyon ay bumaba ang satisfaction rating ni PNoy sa pinakahuling SWS survey. Iyon din ang panahon na napakaraming reklamo laban sa kanyang mga tagapagsalita.
Bagamat ang posisyon ni Coloma ay katumbas ng Press Secretary, nagdesisyon noon si PNoy na magpokus na lamang si Coloma sa pamamahala ng iba’t-ibang tanggapan na nasa ilalim ng PCOO para matigil na ang awayan sa loob ng Communications Group. Ngunit matapos ang mahigit tatlong taon sa pwesto, kinailangan ngayong iharap ni Pangulong Aquino si Coloma sa media dahil hindi siya kuntento sa trabaho nina Lacierda, Valte at Carandang.
Batay sa bagong iskedyul, tatlong araw sa isang linggo magbibriefing si Coloma o tuwing Martes, Huwebes at Linggo, samantalang tig-dalawang araw sin Lacierda at Valte o Lunes at Miyerkules ang una at Biyernes at Sabado naman ang huli.
Kadalasang reklamo sa mga tagapagsalita ni PNoy ang pagharap sa media nang hindi handa kayat kadalasang sagot ng mga ito ay “I’ll have to check” o “wala pang komento ang Palasyo hinggil dito.”
Sa pag-eksena ni Coloma, kampante ang mga mamamahayag na may pagbabagong magaganap. Muli ring nabuhay ang pagkakaroon ng paksyon hindi lamang sa Communications Group, kundi sa mga miyembro ng Gabinete ni PNoy.
Hindi ba’t si Coloma ay kilalang kaalyado ni Executive Secretary Paquito Ochoa,Jr., samantalang malapit naman sina Lacierda at Valte kay Interior Secretary Mar Roxas. Sa nangyayari sa Communications Group ni PNoy, abangan natin kung mas epektibo si Coloma at kung gagawa ng paraan ang dalawa na pagbutihin din ang kanilang mga trabaho.
Alam niyo bang mismong ambassador natin sa South Korea ang nagbuko sa dalawang opisyal na ito ng Malacañang na magkasamang pumunta sa naturang bansa bago ang pagdalaw ni Pangulong Aquino sa kabila ng kanilang pagtanggi na nagtungo sila rito?
Bagamat hindi naman itinanong ng mga media na sumama sa state visit ni PNoy ang pagdalaw ng dalawang Palace officials, mismong si Philippine Ambassador to South Korea Luis Cruz ang nagkwento habang kinakapanayam, hinggil sa pagpunta ng dalawa.
Ang siste kasi, hindi maamin ng dalawa na nagpunta nga sila sa South Korea para sa isang opisyal na trabaho. Kung wala ring malisya sa dalawa, bakit kailangan nilang itago na magkasama sila roon ng ilang araw?
Hindi mamatay-matay ang isyu hinggil sa pagkakaroon ng relasyon ng dalawa. Boss ng babae ang lalaking opisyal. Dati na ring natsismis ang dalawa na magkasama sa iisang kuwarto nang nag-out-of-town.
Nakita rin ang dalawa na magkasama sa isang mall sa Makati at sa kanilang pagbisita sa South Korea, usapan tuloy na tila nag-honeymoon ang dalawa. Gets nyo na ba ang tinutukoy ko?
Isyu pa rin hanggang ngayon ang pagharang ni Maribojoc Mayor Leoncio Evasco, Jr. sa pamamahagi ng tulong ng Philippine Red Cross. Kung ano man ang katwiran ni Evasco na huwag papasukin ang Red Cross, hindi bat ang mga mamamayan pa rin ng Maribojoc ang nawalan?
Kahit ano pa ang sabihin ni Evasco, pribadong organisasyon ang Red Cross na hindi niya maaaring diktahan. Kung ikinakatwiran niya na nadodoble ang pamamahagi ng Red Cross dahil walang koordinasyon sa kaniya at sa mga barangay opisyal, hindi bat mas maganda nang madoble ang natatanggap ng mga residente kaysa wala silang matanggap?
Sa pagmamatigas ni Evasco, hindi naman ang Red Cross ang talo rito, kundi ang kanyang mga nasasakupan.
Mismong ang Comelec na rin ang nagsabi na bawal ang pamamahagi ng relief goods sa mga barangay officials, mga tumatakbong kandidato at mga kamag-anak nila ngunit hindi rin ito sinunod ni Evasco. Matigas ang ulo ni mayor, dapat tinutuktukan ito.
Para sa komento, reaksyon at tanong, i-text ang TROPA, pangalan, edad, lugar at mensahe sa 09178052374.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.