Rhen Escaño minulto habang nagsu-shooting sa lumang school; muntik mapahamak nang gawin ang ‘lubid scene’ sa ‘Marita’
By: Ervin Santiago
- 1 year ago
Rhen Escaño
MUNTIK nang malagay sa panganib ang buhay ng Viva Artist Agency talent na si Rhen Escaño habang ginagawa ang suspense-horror film na “Marita.”
Kuwento ng aktres, siya raw kasi ang gumawa ng lahat ng kanyang eksena sa pelikula at hindi siya talaga nagpa-double. Isa na rito ang ginawang pagpapakamatay ng kanyang karakter bilang si Marita.
Ipinaulit kasi niya ang eksena kung saan kailangang siyang magbigti dahil ang feeling niya ay lumabas na hindi makatotohanan ang unang natapos na eksena take na kinunan mula sa isang mataas na platform.
“Doon sa eksena, pinababaan ko talaga iyong harness tapos medyo nakaangat iyong lubid kasi kaya di ako na-satisfy, halatang maluwag ‘yung tali. Noong pinanood ko siya, kung ako ang audience hindi maniniwala.
“So, ‘parang sayang lang ang pera ko rito.’ Highlight kasi siya ng movie so dapat na kapani-paniwala. So, pinagawa ko, pina-adjust ko and all. Naramdaman ko rin po talaga noong di ko na kaya (humihigpit na ang lubid sa leeg) saka ko na pinaangat,” ani Rhen.
Ayon pa sa dalaga, nagpapasalamat talaga siya sa kanilang direktor na si Roni Benaid (nagdirek din ng horror flick na Mary Cherry Chua fame) dahil sa open daw ito sa mga suggestions mula sa kanyang mga artista.
“Ako kasi iyong aktor na hindi nanonood sa monitor after the take, pero dito first time na every eksena, sinisilip ko po iyong ginawa ko sa monitor kasi kailangan kong i-make sure na nakakatakot talaga siya.
“Merong mga eksena na nanghihingi talaga ako kay Direk na, ‘Pwede pong isa pa?’ Or, ‘Direk, okey ba kayo roon?’
“Sobrang collaborative niya. Sobrang generous ni Direk pagdating doon. Pag tinatanong niya ako, kung di pa ako happy doon, sabi niya, ‘Pwedeng isa pa.’ So, sobrang naa-appreciate ko iyon,” sey pa ni Rhen na bumida sa mga Vivamax Original movies na “Adan”, “The Other Wife” at “Paraluman.”
Pagpapatuloy pa ng aktres, “Lagi kong sinasabi na weakness ko ang horror, pero na-realize ko, ang saya pala kapag ikaw ang multong nananakit. Ang sarap manakit ng mga batang ito.” Na ang tinutukoy ay ang mga baguhang co-stars niya na sina Yumi Garcia, Ashtine Olviga, Taneo Sebastian, at iba pa.
Samantala, naikuwento rin ni Rhen ang naging kakaibang karanasan niya habang ginagawa ang “Marita.” May nagparamdam daw sa kanila sa lumang school kung saan sila nag-shoot.
“Ako naman po sobrang hilig kong manood ng horror films, di ako matatakutin. And hindi rin ako nakakakita. Hindi open ang third eye ko pero pag pumasok ako sa isang area o sa isang place, mararamdaman ko kung meron. Makikita ko rin pag sobrang mabigat siya. Pero di ko nakikita.
“Nasa loob kami ng theater kung saan kami nagsu-shoot, nasa taas kami na part tapos walang ilaw sa ibaba, tapos walang ilaw din sa taas. Camera light lang ang gamit namin. Tapos iyong ilaw, nanggagaling lang sa mga open na pinto.
“Since wala lang, kalmado lang ako dahil hindi ako matatakutin. And then, bigla akong napatingin sa ibaba. Kasi parang may dumaan talaga—naka-white! Ang weird nu’n!
“Iyong kasama ko at ako, ma-shock kami, sabay kami! So, ibig sabihin, hindi lang ako ang nakakita. Or hindi ko guni-guni iyon. Hindi lang ako ang namalik-mata dahil same kami ng naging reaksyon.
“So, ‘yun, nag-suggest ako na sa baba naman tayo, para exciting,” ang natawang kuwento pa ni Rhen.
At bago niya gampanan ang karakter ng naghihiganting multong si Marita sa isang haunted school sa bansa (based on true story), “Bilang paghahanda, may kinausap po ako doon sa gumradweyt sa school na iyon na part mismo ng theater group. Kilalang-kilala po niya iyong nagpakamatay.
“Marami rin po siyang nai-share sa akin. Meron pa siyang mga photos. Isa po iyon sa nakatulong sa akin,” sey ni Rhen.
“Tsaka nood po ako nang nood ng mga horror films, ng mga behind the scenes. Marami po talaga akong natutunan sa panonood. Parang workshop po talaga iyon pag nanonood ako.
“As in sobrang busog na busog ang mga mata ko, iyong utak ko. Minsan di pa ako natutulog. Nood lang ako nang nood. Kumbaga, ginagawa ko ang assignment ko,” aniya pa.
Mapapanood na ang “Marita” sa mga sinehan nationwide simula sa November 22. Kasama rin dito si Louise delos Reyes, and teacher na makakatikim ng ganti ni Marita.