#SerbisyoBandera: Grade 3 teacher sa Zambales nag-viral dahil sa mga paandar na gimik sa pagtuturo, may pa-libreng lapis at candy sa estudyante

Grade 3 teacher sa Zambales nag-viral dahil sa mga paandar na gimik sa pagtuturo, may pa-libreng lapis at candy sa mga estudyante

Rommel Quinsay

KUNG may isang teacher sa Pilipinas na pwede ring sabitan ng medalya dahil sa kanyang kakaibang dedikasyon sa pagganap sa tungkulin, yan ay walang iba kundi si Rommel Quinsay.

Kahanga-hanga si Teacher Rommel dahil talagang kinakarir niya ang pagtuturo at paghubog sa kaisipan ng kanyang mga estudyante na itinuturing na niyang parang mga tunay na anak.

Nag-viral sa social media si Teacher Rommel, na isang elementary teacher at class adviser, matapos niyang i-post sa Facebook ang ginawa niyang gimik nang bigyan niya ng exam ang kanyang mga pupil.

Makikita sa post ng guro ang pagbibigay niya ng libreng lapis at mga candy sa mga Grade 3 pupil ng Pamatawan Integrated School sa Subic, Zambales,  para raw mas ma-inspire ang mga ito at hindi antukin habang nag-e-exam.

Pero ang mas nakaka-touch pa rito, may nakasulat pa na mga words of encouragement sa wrapper o pabalat ng mga candy na makapagbibigay ng inspirasyon sa bawat estudyante niya.

Sa exclusive interview ng BANDERA kay Teacher Rommel, sinabi niya na nag-eenjoy siya sa pagtuturo at pag-aalaga sa kanyang mga estudyante at feel na feel niya ang pagiging second parent sa mga ito.

“Kapag exam po talaga marami akong pakulo o gimik para di kabahan ang aking mga mag-aaral habang sila ay nag-e-exam.

Baka Bet Mo: Cristy Fermin kinampihan si KC Concepcion: Wala pong may gusto na ganito ang itsura ng kanyang weight

“Last year po ang ginawa ko ay yung Exam Quotes and Hugot na nakalagay sa bawat folder ng mga bata, pantakip nila sa kanilang mga test paper,” pagbabahagi ng guro.

Aniya pa, “Ngayon naman naisipan ko silang bigyan ng mga lapis gamit ang pick up lines tapos sinamahan ko ng mga candies na may nakalagay na mga words of encouragement gaya ng ‘dream on,’ ‘success’, ‘reach for the stars,’ ‘start the day right’, ‘nothing is impossible,’ ‘do it now’, ‘carry on,’ ‘take it easy,’ ‘kaya mo yan’, ‘choose positivity’ at marami pang iba.

“Gumawa rin ako ng isang tula na pinamagatang ‘Ang Aking Mga Anak Sa Ikatlong Baitang.’

“Nang naibigay ko ito sa mga bata mababanaag sa mga mukha nila ang kasiyahan at sabay-sabay silang nagpasalamat sa akin. Ang ibang bata ay yumakap pa sa akin dahil sa kanilang katuwaan,” sabi pa ni Rommel.

Hindi raw inasahan ng guro na magba-viral ang post niya sa FB, “Marami po ang nag-congratulate sa akin dahil sa aking ginawa na pakulo para sa mga bata. Ang iba po ay nag-mesaage pa sa messenger ko.


“Masarap po sa pakiramdam dahil na-appreciate ng mga bata at kanilang mga magulang ang aking ginawa. Kahit sa maliit na bagay ay napasaya ko sila. Bonus pa pinusuan ito ng mga netizens kaya nag-viral itong post ko,” aniya pa.

Baka Bet Mo: Valentine Rosales basag na basag kina Rommel Galido at JP dela Serna: Ewwwww! Cheap mo girl!

“Sabi pa ng isang nanay napakagaling ko daw sa mga teknik at pakulo sa mga bata kaya naman pinagbutihan daw ng kanilang mga anak sa Unang Markahang Pagsusulit,” lahad pa niya.

Tungkol naman sa extra budget na inilalaan niya sa kanyang mga gimik bilang guro, “Yung budget po dito ay galing sa aking sariling bulsa. Gusto ko po kasing i-share din sa mga bata ang mga blessing na dumarating sa akin.

“Kaya sa simpleng paraan ay naisipan ko silang bigyan ng lapis at mga candies.

“Ang mensahe ko naman po sa aking mga kapwa guro, maging maparaan at malikhain sa ating pagtuturo sa ating mga mag-aaral. Ipagpatuloy natin ang pagtuturo ng may puso at dedikasyon.

“Sa mga mag-aaral, mag-aral kayo nang mabuti dahil ang edukasyon ay susi sa tagumpay at ito ay tanging maipapamana sa inyo ng inyong mga magulang,” paalala pa ni Teacher Rommel sa mga kabataang mag-aaral.

Read more...