PWEDENG binyagan at magsilbing mga ninong at ninang kahit sa kasal ang mga transgender.
‘Yan ang naging paglilinaw ng doctrinal office ng Vatican matapos sagutin ang naging tanong ng isang bishop mula Brazil.
Noong Hulyo, nagpadala ng anim na katanungan si Bishop Jose Negri ng Santo Amaro at dito niya inalam ang tungkol sa partisipasyon ng LGBTQIA+ community pagdating sa sacraments of baptism and matrimony.
Ang tatlong pahina ng question and answer ay pinirmahan ni Argentine Cardinal Víctor Manuel Fernández, ang department head ng nasabing opisina at ito ay inaprubahan naman mismo ni Pope Francis noong October 31.
Bilang tugon sa tanong kung ang mga transgender ay maaaring magpabinyag, sinabi ng tanggapan ng doktrina na magagawa nila ito sa ilang mga kondisyon at kung walang panganib na magdudulot ng public scandal o disorientation sa mga mananampalataya.
Sinabi rin na ang mga transgender ay maaaring magsilbing ninong at ninang sa isang binyag at maging witness sa kasal sa ilalim ng diskresyon ng local priest, pero dapat gumamit ng tinatawag na “pastoral prudence” sa kanyang desisyon.
Ang same-sex relationship din ay pwedeng maging witness sa isang Catholic wedding na ayon sa batas ng simbahan ay walang pagbabawal laban dito.
Bukod diyan, humingi ng patnubay ang Brazilian bishop kung ang same-sex couple na nag-ampon ng isang bata o kumuha ng surrogate mother ay maaaring magpabinyag ng bata sa isang seremonya ng Katoliko.
Ang sagot ng Vatican, para mabinyagan ang anak ng same-sex couple ay kailangang magkaroon ng “well-founded hope that it would be educated in the Catholic religion.”
Sinubukan ni Pope Francis na gawing mas malugod ang Simbahan sa komunidad ng LGBT nang hindi binabago ang mga turo ng Simbahan, kabilang ang isang nagsasabi na ang pagkahumaling sa parehong kasarian ay hindi kasalanan ngunit ang mga gawa ng parehong kasarian.
Read more:
Paulo gaganap sanang transgender sa pelikula pero hindi natuloy: Sayang talaga!