Badjao Girl Rita Gaviola engaged na sa non-showbiz boyfriend na si Jeric Ong: ‘This is it!’
By: Ervin Santiago
- 1 year ago
Rita Gaviola at Jeric Ong
YES! Confirmed na nga! Engaged na ang aktres at social media personality na si Rita Gaviola sa kanyang non-showbiz partner na si Jeric Ong.
Ito ang masaya at excited na ibinalita ni Rita na unang nakilala ng madlang pipol bilang Badjao Girl, sa pamamagitan ng kanyang Facebook account.
Ibinandera ng dating “Pinoy Big Brother” housemate sa buong universe ang pagpo-propose ng kanyang boyfriend sa gitna ng pambabatikos ng mga bashers at haters.
May mga netizens kasi na nanlait sa kanya habang nagsasawa ng live selling sa TikTok. Sinabihan siya ng mga ito na huwag na lang magtinda at bumalik na lang sa pamamalimos dahil isa naman siyang Badjao.
May mga nakakapansin kasi na tila may attitude ang social media personality at sinusungitan nito ang mga nanonood. Ang resbak ng celebrity mom, “Nilalait n’yo ko na babalik ako sa pamamalimos, du’n na lang? Kahit bumalik ako sa pamamalimos ko, proud ako, naghirap ako. Dumaan ako sa mga ganoong proseso. Di ba?”
Nilinaw rin niya na hindi siya maarte at may iniinda siyang sakit habang nagla-live, “Sasabihin n’yo sa akin, bumalik ako sa pamamalimos ko? Bakit alam n’yo ba ‘yung pinagdadaanan ko? Sinasabi ko sa inyo, lait-laitin n’yo ko sa pagiging Badjao ko, proud ako!
“Kayo ‘yung umalis kasi live ko to! Huwag kayong masyadong judgemental. Sasabihin n’yo bumalik ako sa pamamalimos dahil Badjao naman ako? Hindi ako nahihiya na naging Badjao ako. Mas lalo akong proud. Kaya walang umaangat na Pilipino dito e,” ang matapang na hirit pa ni Rita.
Kasunod nga nito, proud na ibinahagi ng aktres sa kanyang fans and socmed followers na engaged na siya sa kanyang non-showbiz boyfriend na si Jeric Ong nitong October 30, 2023.
Sa litrato na ipinost niya sa FB, makikita ang pagkagulat ni Rita habang nakaluhod naman sa kanyang harapan ang dyowa habang hawak ang engagement ring.
“This is it,” ang maikling caption na isinulat ni Rita sa kanyang post.
May anak na sina Rita at Jeric at magkatuwang nila itong inaalagaan ngayon.
Matatandaang nag-viral si Rita sa social media matapos makunan ng isang photographer habang nanlilimos sa kalye. Naging housemate rin siya sa “Pinoy Big Brother 7 Teen Edition” noong 2016.