Direk Joel Lamangan enjoy na enjoy sa ‘FPJ’s Batang Quiapo’: ‘Bati sakin dati direk, ngayon Roda na!
ANG galing-galing ni Direk Joel Lamangan umarte sa FPJ’s Batang Quiapo at kahit na ang sama-sama ng ginagampanan niyang karakter bilang si Roda na matapobre at mukhang pera ay pawang positibo ang feedback sa kanya.
Ang karakter ni direk Joel ang isa sa inaabangan din namin sa BQ kaya naman noong sinaksak siya nang una siyang nakawan ni Edwin played by Ping Medina na kuya ni Mokang (Lovi Poe) ay inakala naming patay na siya.
Ito rin pala ang akala ni direk Joel at nalungkot nga raw siya kasi wala na siya sa nasabing TV series ni Coco Martin.
Pero ikinuwento muna ng direktor kay Ogie Diaz para sa YouTube channel nitong “Ogie Diaz Inspires” nang dalawin siya sa location ng Batang Quiapo kamakailan kung paano siya nakumbinse ni Coco na gampanan ang karakter na Roda.
“Kinuha ako ni Coco inimbita niya ako sa premiere night nito (Batang Quiapo) pagkakita niya sa akin sabi niya, ‘direk kukunin kita ha?’ Sabi ko naman, ‘O sige gusto ko!” sey ni direk Joel.
At dito na nasambit na akala niya ay sandali lang siya sa BQ, “kasi may isang eksena na pinagsasagsak (muwestra) na ako kasi pinagnakawan ako, (isip ko) ay naku mamatay na ako. Okay lang kasi mayroon naman akong ginagawang pelikula.
“Naku, natawag sila (Coco) sa MTRCB kasi ang dami-daming saksak sa akin (tawanan sila ni Ogie). Akala ko patay na ako, pagkatapos ng isang linggo habang nagdi-direk ako bigla akong nagkaroon ng call (BQ staff), ‘ha ‘di ba patay na ako?’ Sagot daw ng staff, “hindi sa ospital ka magigising ka, buhay ka kaya nagtuluy-tuloy na ako.”
Naging malapit daw sa isa’t isa sina direk Joel at Coco dahil sa kapatid ng aktor/direktor na si Ronwaldo Martin na kasama rin sa Batang Quiapo bilang si Santino.
Baka Bet Mo: Joel Lamangan nagpakatotoo: Maraming direktor na bago pa lang ay mayayabang na…huwag ganyan
“Naging artista ko siya sa Bhoy Intsik siya ang lead role at mahusay naman nagka-award pa nagustuhan ako ni Coco at sabi nga kukunin akong artista (BQ), “tsika ni direk Joel.
Samantala, bilib naman si Ogie sa direktor dahil sa edad nito at tatlong beses nang na-operahan ay mahusay pa ring mag memorya ng linya niya.
“Ay oo!” mabilis nitong sagot.
Dagdag pa, “apat na beses na akong inatake (sa puso) hindi pa rin ako kinukuha ng Panginoon, nandito pa rin ako sa tabi mo (nagkatawanan sila ni Ogie).”
Paniniwala naman ni direk Joel kaya binibigyan pa siya ng tsansang mabuhay ay, “parang gusto pa niya akong gumawa ng marami kung anuman ang gusto niya. Baka pelikula, artista at bilang direktor.”
Na-realize din nitong maikli lang ang buhay at kailangan niyang gamitin ito sa magandang paraan dahil anytime ay susubukin ka.
“At least bago ka matigok may maiwan kang magandang alaala sa mga taong malapit sa ‘yo lalo na ‘yung mga mahal mo sa buhay,”saad pa ni direk Joel.
At bilang direktor ay hindi raw siya nakikialam sa Batang Quiapo dahil arista lang siya rito at kung ano lang ang ipagawa sa kanya ay ‘yun lang dahil iginagalang niya ang direktor ng show para ganu’n din ang gawin sa kanya kapag siya naman ang direktor ng pelikula o programa.
Kilalang magagalitin si direk Joel at talagang naninigaw bagay na nasubukan ni Ogie at talagang kamuntikan na niyang iwan noon sa takot. Pero ngayon ay nabawasan na raw ang paninigaw nito.
“Nagagalit lang ako sa mga syunga-syungang umarte at lalo na ‘yung mga nali-late na tatlong oras kang maghihintay talagang galit nag alit ako talagang sinusugod ko (tent).
“Lalo na ‘yung ang tagal-tagal magpantay ng kilay, tatlong oras na hindi pa mapantay-pantay ang kilay, hihilahin ko talaga sa tent, ‘hoy ano baa ng tagal-tagal mong magpantay ng kilay naghihintay ang mga tao sa ‘yo? May mga ganu’n artista!” pambubuking ng direktor.
Tawa naman ng tawa si Ogie na may mga ganu’n palang artista at biniro nitong banggitin ni direk Joel ang mga pangalan, “ay ‘wag! Madedemanda ako.”
Sabi pa, “kaya ayaw ko ng naghihintay kasi ang bawa’t dagdag na oras ay pera ‘yun ng producer kaya kung ano ang naka-schedule ay ‘wag ka ng lalampas doon kasi dagdag pera iyon sa producer. Hanggang 14 hours lang ang shooting o taping, e, kung late ka, e, di dagdag-dagdag ‘yun?”
Isa sa halimbawang kuwento ni direk Joel ay ang aktres na si Marjorie Barretto na mag-uumaga na ay hindi pa makaiyak sa pelikulang Anghel na Walang Langit kasama sina Ariel Rivera at Vina Morales with Ogie.
“Pinagalitan ko ng pinagalitan, jusko magu-umaga na hindi pa makaiyak,m kaya pinagalitan ko minura-mura ko hayun umiyak kaya sabi ko, take na take na hayan lumuluha na. nagawa naman niya at sabi ko sa kanya, ‘very good!’ tumatawang alaala ng direktor, ‘e tapos na ang aktingan iyak pa rin ng iyak.”
Tawa naman ng tawa si Ogie kasi siya ang kasama sa eksena ni Marjorie bilang isang bugaw kaya nate-tense siya dahil nagsisigaw si direk Joel sag alit sa aktres.
Anyway, inamin ni direk na enjoy na enjoy siya sa Batang Quiapo kahit mainit ang location na kita na rin dahil walang tigil ang kakapaypay niya habang magka-usap sila ni Ogie.
“Dati kapag lumalabas ako ng bahay ang bati sa akin ng mga bata, ‘direk good morning! Ngayon ‘Roda’ na ang tawag sa akin at ako lang ‘yung kontrabida na mahal ako ng lahat. Tanong ko nga sa kanila kung hindi ba sila nagagalit sa akin dahil ang sama-sama ko.
“Sabi nila, ‘hindi nakakatuwa ka!’ Hindi naman ako comedian salbahe ako roon. ‘Oo nga pero gusto namin (as Roda).’”
May script daw ang pagratatat ng bunganga ni Roda at ‘yung iba ay adlib na at ang cut-off time niya ay hanggang alas dose lang ng hatinggabi dahil nga bawal na sa kanya ang inuumaga dahil sa kalagayan niyang tatlong beses nang naoperahan sa puso.
Related Chika:
Nora, Vilma, Sharon, Juday nakatikim din ng ‘talak’ kay Direk Joel Lamangan…anyare?
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.