Anti-Cybercrime Group binabatikos dahil sa FB Live ni Rendon Labador; pinagpapaliwanag ng PNP

Anti-Cybercrime Group binabatikos dahil sa FB Live ni Rendon Labador; pinagpapaliwanag ng PNP

Rendon Labador

INUULAN ngayon ng batikos ang PNP-Anti-Cybercrime Group (ACG) matapos payagan si Rendon Labador na sumama at mag-Facebook live sa isinagawa nilang raid sa Makati City nitong Biyernes.

Sinalakay ng mga operatiba ng ACG ang isang online lending company sa Makati matapos makatanggap ng intelligence report hinggil sa pananakot at panghaharas umano ng mga empleyado nito sa mga may pagkakautang sa kanilang kumpanya.

Habang nagaganap ang raid ay nagla-live streaming naman si Rendon sa kanyang Facebook account kung saan makikita ang mukha ng ilang staff ng kumpanya na siyang inirereklamo ngayon sa pamunuan ng PNP.

Iniimbestigahan na ngayon ang ilang opisyal at operatiba ng Anti-Cybercrime Group dahil nga sa pagsama ni Rendon sa naturang operasyon matapos magreklamo ang pamilya ng mga empleyado ng ni-raid na lending company.

Baka Bet Mo: Kris masayang nagbigay tulong kahit na sumama ang pakiramdam: Kagustuhan kong maging happy sila!

Ang hinaing ng mga ito, para raw kasing pinalalabas sa Facebook live ni Rendon na guilty na agad ang mga empleyado sa umano’y panghaharas nila sa mga taong nangutang sa naturang online lending company.

Bukod dito, nagalit din ang mga taong sangkot sa kaso, pati na ang ilang netizens na nakapanood sa video dahil parang kinakampihan pa raw ni Anti-Cybercrime Group spokesperson Capt. Michelle Sabino si Rendon.


Paliwanag naman ni Sabino may partnership o collab daw talaga ang PNP at si Rendon kaya present ang social media personality sa naganap na raid at hindi lang naman daw si Rendon ang sumama sa kanilang operasyon.

Aniya pa, hindi na raw niya kontrolado ang pagla-livestream ni Rendon sa mga pangyayari. Ngunit sabi ni Sabino, gagawan nila ng kaukulang aksyon sakaling mapatunayan na nagkaroon nga ng “privacy breach” sa ginawa ni Rendon.

Dagdag pa ng opisyal, pinayagan nila ang motivational speaker na sumama sa mga regular media presentation ng ACG dahil naniniwala silang mas malawak ang maaabot ng kanilang adbokasiya sa paglaban sa cybercrime.

Baka Bet Mo: Rendon Labador boldyak na naman kay Cristy Fermin: ‘Unang-una walang naghahanap sa kanya, maraming maligaya na nawala siya’

Samantala, sinabi naman ni Rendon na wala siyang masamang intensiyon sa pagsama niya sa ACG raid dahil nais lamang niyang makatulong sa mga taong inaagrabyado.

“Magtulungan po tayo para sa ikabubuti ng taumbayan at para sa Pilipinas! #LabLabLabador.

“Ako po ay isang ordinaryong mamamayan lamang katulad ninyo, ako po ay nasasaktan kapag madami po sa ating mga kababayan ang inaapi at na aagrabyado.

“Ang #BosesNgBayan ay magiging daan para matulungan ang mga taong walang kakayanan ipaglaban ang mga sarili nila at ma-i-boses yung mga taong hindi kayang bumoses para sa karapatan nila.

“Magkaisa po tayong lahat para baguhin ang Pilipinas! Si Rendon Labador nga nag bago na, ikaw pa kaya? Sino ka ba???” ang isa sa mga FB post ni Rendon.

Read more...