Hirit ni Piolo Pascual sa pagpapakasal at pag-aasawa: ‘Kapag tuli na po ako!’
By: Ervin Santiago
- 1 year ago
Piolo Pascual
SA bawat interview namin kay Piolo Pascual at ng iba pang miyembro ng entertainment media ay talagang hindi maiiwasang tanungin ang tungkol sa kanyang lovelife.
At tulad ng inaasahan, muling kinumusta ang personal na buhay ng award-winning actor nang humarap siya sa showbiz press nitong nagdaang Huwebes, October 19, para sa mga bago niyang projects, kabilang na ang pelikula niyang “Mallari” na isa sa mga official entry sa 2023 Metro Manila Film Festival.
Hanggang ngayon ay single na single pa rin daw ang TV host-actor-peoducer at puro trabaho pa rin ang kanyang inaatupag, lalo pa ngayong nakapasok sa MMFF ang pinaghirapan niyang horror-suspense na “Mallari.”
Ayon kay Papa P, naniniwala siya na darating pa rin ang tamang panahon para sa kanyang lovelife at habang hinihintay niya ito ay ibubuhos muna niya ang panahon sa work at sa kanyang anak na si Iñigo Pascual.
Sa tanong nga kung sa edad niyang 46 ay may plano pa siyang magpakasal at bumuo ng sariling pamilya, tawanan ang media sa naging sagot ng binata.
“I guess, in time. Siguro kapag tuli na ‘ko. Ha-hahahaha! Joke lang! Siguro kapag malaki na po ako. Now kasi bata pa ko e,” ang tawa nang tawang biro ni Piolo.
Hirit pa niya, “Most promising ako, ‘di ba sa showbiz? Kapag nag-settle na ‘ko. Ang dami ko kasing labada, e. Wala pa talaga kong time para diyan.”
Sa ngayon daw ay enough na muna sa kanya ang anak na si Iñigo, at happy naman daw talaga siya kahit walang babae sa kanyang buhay. Wiling to wait din siya sa taong ibibigay sa kanya ni Lord.
“There’s always a time for it, but for now at my age, I’m not in any rush. I have a 26-year-old kid and I have this beautiful platform that I can practice my passion.
“And if it comes when it comes, you know, I hope I’m ready. I hope she’s ready and I hope the whole world is ready,” sey pa ni Papa P.
Samantala, sa 2023 MMFF entry na “Mallari” produced by Mentorque Productions and line-produced by Cleverminds, Inc., gaganap si Piolo bilang Fr. Juan Severino Mallari, ang first-ever documented serial killer sa Pilipinas.
Ayon kay Piolo, ang pelikula ay partly fictional at partly true-to-life na hango sa kuwento ng buhay ni Fr. Juan Severino Mallari, isang parish priest noong 1800 na nakapatay ng 57 katao.
Makakasama rin sa movie sina JC Santos, Janella Salvador, Elisse Joson, Gloria Diaz at Mylene Dizon, mula sa panulat ni Enrico Santos at sa direksyon ni Derick Cabrido.