Pamilya ni Catherine Camilon humiling ng ‘privacy’ sa gitna ng paghahanap, imbestigasyon

Pamilya ni Catherine Camilon nakiusap na bigyan sila ng ‘privacy’ sa gitna ng paghahanap, imbestigasyon

PHOTO: Instagram/@catherine_camilon

MAY request sa publiko ang pamilya ng nawawalang beauty queen na si Catherine Camilon.

Ang nais raw nila ay mabigyan sila ng “privacy” sa gitna ng kanilang paghahanap at imbestigasyon.

‘Yan ang ibinalita ng PNP spokesperson at public information office chief na si Col. Jean Fajardo sa ilang reporters.

“Nakiusap po ‘yung pamilya na kung maaari na tahimik munang maimbistigahan ito para na rin sa kanilang privacy at igagalang po yan ng PNP,” sambit ni Fajardo.

Magugunitang ang pagkawala ni Camilon ay isinapubliko kamakailan ng kanyang ina na si Rose at kapatid na si Chin Chin sa isang serye ng mga post sa social media ilang araw matapos itong mawala habang bumibiyahe mula Tuy patungong Batangas City.

Baka Bet Mo: Nawawalang beauty queen na si Catherine Camilon hindi pa rin natatagpuan, pangako ng pamilya: ‘Hindi kami titigil hangga’t hindi ka nahahanap’

Ayon pa kay Fajardo, nagkakaroon na sila ng “good leads” batay na rin sa ulat ng Batangas Police Provincial Office, ngunit hindi na nila pwedeng ibunyag ang ilan pang mga detalye,

“May mga pinuntahan na po silang lugar at ang mga posibleng pinuntahan ‘nung nawawala,” kwento ng PNP Spokesman.

Dagdag pa niya, “At may mga isa pa po silang vina-validate na report doon sa isang lugar na pinuntahan, subalit nakikipag-ugnayan pa po tayo doon sa management po ng lugar na iyon, but I really cannot give more details.”

Noong October 12 pa nang hindi na makontak ng pamilya at mga kamag-anak si Catherine, na naging kandidata sa Miss Grand Philippines 2023 na ginanap last July.

Base sa report ng GMA Regional TV Balitang Southern Tagalog, bandang 6 p.m. ng araw na ‘yun nang magpaalam sa kanyang ina si Catherine.

Tutungo raw ito sa Batangas City at meron daw imi-meet. 

May nabanggit daw si Catherine na pangalan pero hindi na raw ito matandaan ng kanyang pamilya.

Ayon sa huling mensahe ng beauty queen sa kanyang pamilya, nasa isang gasoline station siya sa Bauan, Batangas sakay ng isang SUV. 

Ngunit makalipas ang ilang oras ay hindi na nga nila makontak si Catherine.

Nauna nang sinabi ni Police Major Nephtali Solomon, ang hepe ng Tuy Police station, na nagsagawa na sila ng “flash alarm” para mahanap si Catherine.

Agad ding humingi ng kopya ng CCTV footage ang pulisya sa huling lugar na binanggit ng dalaga na kanyang  kinaroroonan ngunit sa kasamaang-palad walang CCTV ang gasolinahan na nakalagay sa mensahe ng dalaga.

Magsasagawa rin ng backtracking ang pulisya para ma-trace ang mga lugar na pinuntahan ni Catherine.

Related Chika:

Read more...