Rendon Labador nakipagsanib-pwersa sa PNP Anti-Cybercrime Group, mga mapagsamantala binantaan: ‘Bilang na ang mga araw n’yo!’

Rendon Labador nakipagsanib-pwersa sa PNP Anti-Cybercrime Group, mga mapagsamantala binantaan: 'Bilang na ang mga araw n'yo!'

Rendon Labador

BINANTAAN ng social media personality na si Rendon Labador ang lahat ng mga  mapagsamantala na patuloy na nambibiktima ng mga inosenteng tao.

Nangako ang kontrobersyal na socmed influencer sa kanyang mga tagasuporta at online followers na hindi siya titigil sa nasimulang adbokasiya laban sa mga indibidwal na walang ginawa kundi ang manloko ng kanilang kapwa.

Sa katunayan, nakipagsanib-pwersa pa siya sa PNP Anti-Cybercrime Group upang mas marami siyang matulungan na nabibiktima ng pambu-bully at iba pang uri ng cybercrime.

Ayon kay Rendon, gagamitin niya ang kanyang mga social media platforms para maging boses ng mga Filipinong hindi makapagsalita at maipaglaban ang kanilang mga sarili sa mga mapagsamantala.

Baka Bet Mo: Rendon Labador walang takot, pati si Tito Sen tinalakan; gusto ring paimbestigahan ang ‘E.A.T.’ sa TV5

Ito’y matapos ngang maibalik ang kanyang Facebook account na biglang nabura nang umano’y i-mass report ng mga netizens kabilang na ang mga supporters ni Vice Ganda na nabwisit na kay Rendon.

“Dahil binigyan ninyo ako ng pagkakataong makabalik dito sa facebook, gagamitin ko lahat ng suporta na ibibigay ninyo para i-boses ang mga kababayan nating hindi naririnig at para sa mga taong hindi kayang ipaglaban ang kanilang mga karapatan!


“Makiisa at tulungan akong i-tama ang mga mali at patalinuhin ang mga Pilipino!” ang pahayag ni Rendon.

Pagpapatuloy pa niya, “Gusto ko pong magpaabot ng pasasalamat sa kabuuan ng PNP!!! Lalong-lalo na sa pamumuno ni Police Major General Benjamin Acorda, Jr. (Chief PNP), Director of Anti-Cybercrime group PBGEN Sidney Hernia.

Baka Bet Mo: Rendon Labador nagbabalik Facebook: Lablab muna tayong lahat

“At syempre sa ating magiging kasanga sa ating advocacy, ay walang iba! ACG Spokesperson Capt. Michelle Sabino Capt. Sabino’s Cyber Crime Page,” sabi pa ni Rendon.

Kasunod nito, nagbigay nga ang binata ng warning sa mga taong patuloy na nananamantala ng kanilang kapwa kasabay ng panawagan na magbago na ang mga ito.

“Kayong mga mapagsamantala, bilang na ang mga araw ninyo! Magbago na kayo, si Rendon Labador nga nagbago na, ikaw pa kaya??? Sino ka ba?!” sey pa ni Rendon.

Nito lamang nagdaang linggo, binasag din ni Rendon ang inirereklamong toy collector at dating miyembro ng Streetboys na si Yexel Sebastian, matapos itong masangkot sa P200 million investment scam.

Mariin namam itong dinenay ni Yexel at nagsabing huwag muna siyang husgahan dahil hindi pa alam ng mga ito ang buong kuwento.

Read more...