PJ Abellana hindi pa rin kinakausap ni Carla: ‘Honestly, hindi talaga nagtapat sa akin ang aking anak’

PJ Abellana hindi pa rin kinakausap ni Carla: 'Honestly, hindi talaga nagtapat sa akin ang aking anak'

Rey ‘PJ’ Abellana, Carla Abellana at Tom Rodriguez

HINDI pa rin pala nagkakausap ang mag-amang Rey “PJ” Abellana at Carla Abellana simula nu’ng magkuwento ang aktor tungkol sa hiwalayan ng anak at ng asawang si Tom Rodriguez.

Matatandaang sa programang “Cristy Ferminute” noong Marso 11, 2022 Biyernes ay nakapanayam ni ‘Nay Cristy Fermin si Rey at nagkuwento tungkol sa paghihiwalay nina Tom at Carla.

Lumapit daw kasi ang aktor sa biyenan para ikuwento ang mga nangyari at pag-ayusin silang mag-asawa.

Hindi ito nagustuhan ni Carla at inamin ni Rey na nagalit sa kanya ang anak dahil inunahan pa niyang magkuwento sa radyo na pinik-ap ng lahat ng media outlets.


Sa YouTube channel ni Morly Alinio na in-upload kahapon ay inamin ni Rey na ayaw pa rin siyang kausapin ng anak pero naiintindihan naman niya ito.

Tinanong ni Morly kung tama nga bang sumama ang loob ng aktres sa ama dahil nagkuwento ito tungkol sa hiwalayan na masasabing private matters ito ng aktres.

Baka Bet Mo: Rey PJ Abellana hindi pa rin pinapansin ni Carla, umaasang magkaayos pa sila ni Tom

“Una sa lahat kaya sumama ang loob ng side nina Carla kasi wala kaming komunikasyon. Maaaring nauna ‘yung pagsasalita ko kaysa ‘yung komunikasyon sa aming dalawang panig kasi magkahiwalay kaming bahay hindi kami halos nagkikita na dahil busy ang schedule niya at ganu’n din ako.

“Honestly, kasi hindi nagtapat sa akin ang aking anak na si Carla tungkol sa isyu na ‘yun. Marahil si Tom ay kusang nagsadya rito (sa bahay niya) at personal na kinausap ako at nakiusap sa akin na tulungan ko ang sitwasyon nilang dalawa ni Carla na magka-ayos silang dalawa,” sagot ni Rey.
“Nagkaayos ba?” tanong ni Morly.

“Bilang magulang wala na akong ibang concerned tungkol sa mga binitiwan kong isyu o sitwasyon na sagot ko sa interbyu kay Cristy Fermin, marahil bitin lang at hindi detalyado ang pagpapaliwanag ko kay Nanay Cristy Fermin kaya nagkaroon ng mga misunderstanding ‘yung ibang tao.

“Maaaring ‘yung panig nina Carla, ‘yung nanay niya, ‘yan kasi ang usual na epekto ng walang komunikasyon, misunderstanding! Yan po ang nangyari kung bakit may negative reaction sa panig nina Carla towards sa binitiwan kong isyu kay Nanay Cristy,” kuwento ng beteranong aktor.

Inaming hindi pa napa-patch up ang nangyari sa mag-ama.

“Nalipasan na ng panahon, siguro lumamig na ‘yung isyu. Sino ba naman ang may gusto na magtagal ang problema sa sariling katawan, nag-subside na ‘yan.

“Kaya lang wala pa ring pag-uusap tungkol sa mga bagay na ‘yan dahil hindi ko maintindihan kung bakit ayaw mag-reveal sa akin ang sarili kong anak.


“Maaaring nahihiya siya dahil babae siya dahil lalaki ako at doon lang siya nagkuwento sa nanay niya dahil pareho silang babae hindi ko alam, pero hindi ko ‘yan ipinilit sa anak ko,” paliwanag ng aktor.

“Ang concerned ko lang personally on my side bilang magulang (at) wala na akong ibang hangad na mangyari sa kanilang dalawa. Isa lang ang gusto ko na makatulong at makaayos ang sitwasyon ng dalawa dahil sa mata ng lahat at mata ng Diyos ay opisyal na kasal ang dalawa bilang mag-asawa,” diin ni Rey.

Baka Bet Mo: Tom Rodriguez hindi raw bakla sabi ni Rey Abellana: Hindi ko pinaniniwalaan ‘yan!

Inamin din ng ama ni Carla na naniniwala siyang nasaktan ito sa paghihiwalay nila ni Tom kahit hindi niya ito personal na nakita pero dahil kilala niya ang anak kaya alam niya ang naramdaman nito lalo’t ikinasal pa at nagkahiwalay pagkalipas nang tatlong buwang pagsasama bilang mag-asawa at inabot ng pitong taong relasyon bilang mag nobyo at nobya.

Sang-ayon naman si Rey sa sinabi ni Carla na hindi pa nito kayang makipagtrabaho sa dating asawa at normal na reaksyon daw ito sa taong nakaranas ng hindi maganda.

“Hindi pa siya handa kaya sang-ayon ako dahil hindi pa total na naghilom ang sugat niya,” saad ng ama ng aktres.

Pero alam daw ni Rey na darating ang panahong maghihilom ang nararamdaman ng anak dahil mabait ito at hindi nagtatanim ng galit.

Inamin din ni Rey na botong-boto ang buong pamilya nila at mga kapatid kay Tom dahil napakabait at marespetong tao ito kaya nanghihinayang din sila na nauwi sa hiwalayan ang dalawa.

Abangan ang ikalawang bahagi ng panayam ni Morly kay Tom na isusulat namin dito sa BANDERA.

Read more...